KAYA kong lutasin ang problemang ito kaya wala akong lalapitan para hingian ng tulong. At talagang hindi ko gagawin ang paglapit sa kamag-anak o kakilala dahil sa problemang ginawa ko. Ayaw kong pagtawanan nila. Ano na lamang ang sasabihin ng kamag-anak ko sakali at hingan ko ng tulong? Baka tawagin akong tanga? Baka sabihin pa na kung kailan ako tumanda saka naloko sa babae at kinuwartahan. Hindi na baleng magpalimos ako at magpalabuy-laboy kaysa naman humingi ng tulong. Ginawa ko ito kaya lutasin kong mag-isa. Pagdusahan ko kung anuman itong tumama sa aking kamalasan.
Bago ako umalis kinabukasan ay ininspeksiyon ko ang aking maleta. Nasa loob ng maleta ang ilang piraso kong damit, alahas at ilang papeles, passport at kung anu-ano pa. Isiniksik ko ang mga alahas sa pinaka-bulsa. Baka bukas o makalawa ay maisangla ko na ang alahas. Mauubos na ang aking pera sa bulsa kaya kailangang makagawa na ng paraan. Isiniksik ko sa ilalim ng kama ang maleta.
Sa araw na iyon, target kong puntahan ang isang Chinese restaurant sa may Escolta na minsan ay nabanggit ni Diana na madalas daw niyang kainan. Masarap daw ang putahe roon. Bakasakaling naroon ang puta e matiyempuhan ko.
Mula sa Recto, binaybay ko ang Abeni-da at kumanan sa Soler. Nang marating ko ang Tomas Mapua St. ay tinumbok ko ang patungong Ongpin hanggang sa makalusot ako sa may Sta. Cruz Church. Pagdating sa Sta. Cruz Church, tumawid ako sa kalsadang patungo sa Escolta. Lakad uli. Hanggang sa makita ko ang Chinese restaurant. Marami ngang kumakain.
Naghintay ako sa di-kalayuan. Hindi ko hinihiwalayan ang mga taong pumapasok at lumalabas sa restaurant. Baka makaligtas sa paningin ko si Diana.
Pero inabot ako ng maghapon doon, ni anino ng putang babae ay hindi ko nakita.
Bumalik ako sa aking tinutuluyang inn sa Recto. At gusto kong maghuramentado sapagkat ang maleta kong nasa ilalim ng kama ay bukas at limas na ang mga alahas!
(Itutuloy)