“O ano ang tinitingin-tingin mo Flora?” tanong ni Tita Raquel na naka-arko na naman ang kilay. Ang malambing na pagsasalita kanina nang kausap si Tito Noel ay napalitan nang animo’y machine gun sa ratrat ng pagsasalita.
“Wala po, Tita Raquel.”
“Narinig n’yo siguro ang mga sinabi ko kay Noel ano. Akala n’yo porke sinabi ko ang mga iyon ay okey na kayo rito. Hindi ko lang siya kayang murahin pero kung ako ang masusunod ayaw ko kayo rito!”
Hindi ko na magawang lulunin ang huli kong isinubo. Napakahusay palang magkunwari ni Tita Raquel sa kanyang asawa. Napaniwala niya si Tito Noel sa kanyang mga nilubid na salita. Siyempre, hindi naman na kikita ni Tito Noel ang kalagayan namin kaya paniwalang-paniwala siya na maayos kami rito.
“Akala n’yo totoo ‘yon ha? Sinabi ko lang iyon para wala nang tse-tse buretse. Punyeta kayo, bilisan niyo ang pagliligpit ng kinainan n’yo at marami pang labahin sa laundry. Ikaw Ara, doon ka sa banyo maglinis ha?”
“Opo,” sagot ko at sinimulang ligpitin ang pinagkainan namin.
“Ikaw Flora, pagbutihin mo ang paglala- ba ha? Baka mahawahan ang damit ni Michelle at Marlon. Tatamaan ka.”
“Hindi po Tita Raquel.”
“Sige na. Kilos na. Teka nga pala, tapos n’yo na bang linisin ang salas?”
“Tapos na po Tita.”
“Sige, kilos na!”
Nagtungo si Ate sa laundry at ako naman ay hinugasan ang mga plato. Pagkatapos hugasan, ang banyo naman ang nilinis ko. Kailangan daw, malinis na malinis ang banyo.
Dakong hapon, napansin kong maraming nag-uusap at nagtatawanan sa salas. Pawang mga lalaki. Sinilip ko. Sina Marlon pala at ang mga kasinggulang din niyang lalaki. Nag-iinuman sa salas. Mga lasing na ang ilan.
Maya-maya naman ay ang mga barkada ni Michelle ang dumating. Sa kuwarto ni Michelle sa second floor nagtungo ang grupo. Si Tita Raquel naman ay hindi ko makita kung nasaan. Itatanong ko sana kung ano ang gagamitin kong pampaputi sa toilet bowl. Baka natutulog.
Hinanap ko si Ate sa laundry. Nang makita ko, nagulat ako sa tambak ng labahin niya.
“Nasaan si Tita Raquel, Ate?”
“Lumabas ng bahay. Nakita kong nakabihis. Nasilip ko rito sa bintana ang paglabas sa gate kanina pa…”
Kaya pala parang mga daga sina Michelle at Marlon — wala pala ang pusa.
(Itutuloy)