(Kasaysayan ni E.A.E.)
KINAGABIHAN ay pinlano ko ang gagawing pagganti sa dalawa. Gagawin ko iyon nang hindi ako mananagot sa batas. O kung madiskubre man ang ginawa niya, mahihirapan pa ring patunayan.
Ang plantsa na hiniram ko kay Matrona ang sagot sa aking gagawing paghihiganti. Lintik lang ang walang ganti! Panahon ng paniningil ngayong gabi.
Inihanda ko ang aking bag ng damit. Nasa loob noon ang mga mahahalaga kong dokumento. Pinagkasya ko roon ang lahat ng mahahalagang gamit at saka damit. Ang ibang damit na luma ay hindi ko na dinala. Kailangan ang bag ay isang buhatan lang para walang abala. Ipinuwesto ko sa may pinto ang bag.
Dakong alas-otso ng gabi ay nagtungo ako sa kuwarto ni Gil. Dala ko ang plantsa at isang pantalon at t-shirt.
Bukas ang pinto kaya hindi na ako kumatok.
“Gil! Gil!”
Narinig ko ang sigaw mula sa CR.
“Sino ‘yan?”
“Eloi!”
“Sandali lang at umeebs ako.”
“Makikiplantsa lang ako, Gil. Pahiram ng kabayong plantsahan…”
“Kunin mo na lang diyan.”
Kinuha ko sa likod ng pinto ang kabayo at ipinorma sa malapit sa may bintana na may nakasabit na pulang kurtina.Sinimulan kong plantsahin ang aking pantalon at t-shirt.
Lumabas si Gil sa banyo.
“Ano Eloi, meron na bang naka-post sa ATM mo?”
“Baka bukas meron na, Gil.”
“Okey. Good girl.”
Hindi na nagbihis si Gil, Nakatapi lamang siya ng tuwalya at lumabas. Pero nagpaalam sa akin.
“Puntahan ko lang si Matrona, ha Eloi?”
“E di puntahan mo.”
“Mamaya tayo naman. Dito ka na matulog ha?”
Tumango ako.
“Wala ka bang ipapaplantsa, Gil?”
“Meron, Marami.”
Pumasok sa kuwarto si Gil at paglabas ay dala na ang ilang damit.
“Pakiplantsa lang ito Eloi,” sabi at lumabas na ng kuwarto patungo kay Matrona.
Nang makaalis ay sinilip ko. Sa kuwarto nga ni Matrona nagtungo. May pag-uusapan na naman marahil at baka ako ang kanilang pag-uusapan. Humanda kayo mamaya sa gagawing kong ganti. (Itutuloy)