(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)
SINUNOD ko ang payo ni Sister Cynth na huwag ko nang asahan si Dolfo. Naisip ko tama si Sister Cynth sapagkat ako rin ang masasaktan. Huwag ko nang asahan na may darating pa. Mahirap umasa sa wala.
Maski si Nanay Encar ay halos ganoon din ang ipinayo sa akin. Huwag nang umasa sa lalaking hindi naman gumagawa ng paraan para magkaroon ng komunikasyon.
“Malay mo baka may nakita nang ibang babae iyon. Kasi kung mahal ka niya e ’di sana gumawa na siya ng paraan noon pa. E sabi mo, wala.”
“Nanay Encar, sa palagay ko nagkabalikan na si Dolfo at ang asawa niya.”
“Kung ganoon ang nangyari e ’di sana ay maging maligaya sila. Mabuti at buo na ang pamilya.”
Sabi naman ni Inay, baka may malaking problema na nangyari.
“Basta ang payo ko sa iyo, Ellang, huwag mo nang pakaasahan ang lalaking iyon. Umpisahan mo na ngayon.”
“Opo Nanay Encar.”
Mula nga noon ay kinalimutan ko nang may Rodolfo akong nakilala sa Riyadh, Saudi Arabia. Inalis ko na sa isipan ko ang magagandang alaala ng aming pag-iibigan. Wala na siya. Wala na!
Mabilis na lumipas ang mga buwan. Halatang-halata na ang tiyan ko. Regular ang aking check-up sa OB-Gyne sa bayan. Si Nanay Encar pa ang nagpapaalala sa akin ng araw ng check-up. Pinaaalalahanan akong kumain ng masusustansiya.
“Excited na ako diyan sa ilalabas mong baby. Sana ay babae at sigurado akong maganda ’yan paglaki. Baka kahawig ni Yasmien Kurdi…”
Napahagikgik ako. Siguro’y nasabi ni Nanay Encar iyon dahil may lahing Arab ang artistang nabanggit niya,
“Puwedeng maging artista o kaya ay isali sa beauty contest, ano? Pasensiya ka na Ellang at ako ay sabik laang sa batang babae. Siguro sasaya ang bahay na ito kapag mayroon tayong baby dito.”
“Siguro nga po Nanay Encar.”
“Kaya nga lagi mong ingatan ang iyong pinagbubuntis. Alagaan mong mabuti. Huwag kang mag-alala at ako ang sasagot sa panganganak mo…”
Napaiyak na naman ako. Iyak iyon ng kaligayahan. Hindi nga kami nagkamali sa pagpili ng taong pupuntahan. Nag-iisa marahil si Nanay Encar sa mundong ito. Hindi ko rin naman nalilimutan si Sister Cynth na laging nakasubaybay sa akin at handang tumulong.
Kabuwanan ko na noon. Nahihirapan na akong kumilos. Laging nakaantabay ang Revo ni Nanay Encar. Baka raw biglang humilab ang tiyan ko kaya mabuti nang nakahanda ang sasakyan. Ang pamangkin niyang drayber ay nakaalerto rin.
Isang tanghali na katatapos naming kumain at inaayos ko sa kabinet ang mga inihandang baru-baruan ng sanggol kong isisilang ay biglang may dumating.
“Nanay Encar may taong naghahanap sa inyo,” tawag ng pamangking drayber.
“Sino baga yaan?” tanong ni Nanay Encar na noon ay nanonood ng Eat Bulaga sa salas.
“Hindi ko po kilala ay. Papapasukin ko po?”
“Teka at lalabas ako.”
(Itutuloy)