Ellang (137)

(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)

“PASOK kayo! Pasok!” sabi ni Nanay Encar sa amin. Hindi nito inaalis ang pagkakayakap sa aking ina. Talagang ma­tibay na matibay ang kanilang pagkakaibigan. Kahanga-hanga sa­pag­kat mga 30 taon na o mahigit pa ang nakara­raan mula ng huli silang magkita.

“Mabuti at alam mo pang puntahan itong Pambisan, Maring?”

“Siyempre naman hin­di ko ito malilimutan, Encar.”

Pumasok kami sa main door ng bahay.

“Ang ganda ng bahay mo, Encar.”

“Katas ito ng kamata­yan ng asawa ko.”

Hilakbot naman ako sa narinig.

“Nakakapanindig balahibo ka naman kung magsalita.”

“Totoo yan. Pero ma­ma­ya ko na ikukuwento. Magpapahanda muna ako ng pagkain at siguradong gutom na gutom na kayo.”

“Oo nga, Encar.”

“Ano ba ang gusto n’yong ulam?”

“Kahit na ano?”

“Tinolang native na ma­nok at inihaw na hito, pu­wede na, Maring?”

“Ay Diyos ko pong tao   ito at tinanong pa ako.   Alam mo namang paborito ko ang tinolang native at hito. Di ba iyon ang madalas nating ulamin noon.”

“Sige sandali ha at uutu­san kong humuli ng duma­lagang manok itong aking mga bataan dito. Magpa­paihaw na pati ako ng hito.”

Umalis si Aling Encar patungo sa gawing kusina. Naiwan kami ni Inay na pinagmamasdan ang mga nakakuwadrong larawan    at nakasabit sa kulay kre­mang dingding. Sa isang kuwadro ay may  katabing lalaki si Nanay Encar. Guwapo ang lalaki. Sa isa pang kuwadro ay nakasa­kay naman ang lalaki sa tila tanker at nakauniporme ng puti. Seaman ang lalaki. Ang isang kuwadro ay ang larawan ng pamilya. Pito ang anak, apat na lalaki at tatlong babae.

Nakita namin ni Inay ang pagpasok ni Nanay Encar.

“Nahuli na ang manok. Nagpasaing na rin ako ng dinorado para maging ma­sarap ang lunch ninyo. Tapos ay nagpakuha na  ako ng mura. Yung buko ng niyog ba, Maring. Di ba pa­ borito mo ang buko juice?”

“Oo, Encar. Hindi mo pa talaga nalilimutan ang mga paborito ko.”

“Teka nga pala, Maring, hindi mo pa naipakikilala ang kasama mo. Sino ba ire ha?”

“Anak ko siya, Encar — si Ellang.”

“Ay Diyos ko at anak pala e hindi man lamang pinakikilala sa akin. Ku­musta ka Ellang,” bati sa akin at niyakap ako.

“Mabuti naman po Na­nay  Encar.”

Sinamantala ni Inay  ang pagkakataon at sinabi na ang aming sadya kay Na­nay Encar.

“Buntis si Ellang, Encar at hihilingin ko sana sa’yo na dito muna kaming mag-ina hanggang sa siya  ay makapanganak.”

“Ay Diyos ko at iyon lamang pala. Dito kayo kahit kailan. Wala akong kasama rito dahil ang mga anak ko ay  pawang nasa Maynila at ang iba ay nasa Australia.”

“Talaga Encar, tina­tang­gap mo kami rito?”

“Para ano pa ang pag­ka­kaibigan natin?”

Napaiyak ako sa mga sinabi ni Nanay Encar. Mabuti siyang babae.

“Dito natin palalaki-  hin ang iyong anak, Ellang. Mas tahimik dito sa Bgy. Pambisan.”

(Itutuloy)

Show comments