(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)
TAMANG-TAMA na papaalis ang barko nang dumating kami sa Batangas Pier. Parang kami lang yata ni Inay ang hinintay at makalipas lamang ang kinse minutos ay inalis na ang mga ga-brasong nylon na tali na nakakabit sa tila kabuteng bakal na nakatusok sa gilid ng port. Umatungal ang barko. Hudyat na aalis na sa Batangas Pier.
Sa ikalawang palapag kami nakapuwesto ni Inay. Mula roon ay tanaw namin ang mangasul-ngasul na bundok at ang kalmadong alon. Walang gaanong pasahero kaya nakapamili kami ng magandang upuan. Masarap ang hampas ng hangin sa mukha ko. Pakiramdam ko ay nahihilo ako dahil sa paglalayag ng barko. Baka hindi ako makalakad kung nana-isin kong tumayo.
“Kabisado mo ba Inay ang patungo sa Pinamalayan?”
“Bahala na pagdating doon. Mababait naman ang mga tao at maaari tayong magtanong kung saan ang patungo sa Bgy. Pambisan.”
Ilang sandali pa at banayad nang gumuguhit sa karagatan ang barko. Pakiramdam ko ay hindi kumikilos sa kinaroroonan pero kung susuriin ay mabilis pala ang takbo niyon.
“Ilang taon na ang nakalilipas, Inay bago ka muling nakabalik sa sinasabi mong barangay. Baka iba na ang itsura niyon.”
“Maaari. Noon ay ginagawa pa lamang ang kalsada at bihira pa ang sasakyan na nakapapasok sa Bgy. Pambisan.”
“Paano kung wala na sa dating tirahan ang kaibigan mong si Nanay Encar?
“Imposibleng wala dahil sa kanila ang lupang kinatitirikan ng bahay. Malaki nga ang lupain nila na may tanim na kape, niyog at kalamunding.”
“Anong kalamunding, Inay?”
“Kalamansi. Kalamunding ang tawag nila…”
“Sana Inay nakasulat man lang tayo kay Nanay Encar para naman hindi siya mabigla.”
“E di ba biglaan naman ang balak natin. Kung hindi pa natin nalaman na buntis ka, hindi naman tayo magbabalak ng ganito…”
Oo nga. Naisip na lamang ni Inay ang pagpunta namin sa Pinamalayan nang malaman na positibo ang pregnancy test ko.
“Nagugutom ka Ellang?”
“Opo Inay.”
“Teka at kukunin ko ang sandwich.”
“Gusto ko ng kape Inay. Gusto ko nang mainit para sa sikmura ko.”
Sumulyap si Inay sa paligid. Nakita ang tindahan sa gawing likuran namin.
“Bibili ako ng kape roon.”
“Okey lang kaya ang kape sa buntis Inay.”
“Oo naman.”
Tumayo si Inay para bumili ng kape.
Kumagat ako sa sandwich. Tumanaw ako sa karagatan. Nakita ko ang mga bangkang de-motor. Kasalubong namin. Siguro’y mga mangingisda na galing sa laot. Marami sigurong huling isda. Natanaw ko rin naman sa dako roon ang mangasul-ngasul na bundok at ang mga bubong ng bahay na tinatamaan ng sikat ng araw.
“Eto nang kape mo, Ellang.”
Nakalagay sa plastic na baso ang kape. Mainit. Ipinatong ko sa katangan ng upuan. Kumagat ako sa sandwich. Sumipsip ako ng kape. Masarap ang daloy sa aking sikmura. Nawala ang nadarama kong gutom.
Naubos ko ang sandwich at ang kape.
Hindi ko alam na nakatulog pala ako.
Nang magising ako, ay tanaw na ang Calapan Pier. Ang mga tao sa aking paligid ay inaayos na ang mga dala-dalahan.
Mga kalahating oras pa at nasa Calapan Pier na kami. Maingay na ang mga pasahero. Handang-handa na sa pagbaba.
Kakaunti nga ang pasahero kaya madali kaming nakababa sa barko.
Lumakad kami patungo sa hintayan ng mga sasakyan. Pawang van pala at mga FX taxi ang sasakyan patungong Pinamalayan.
“Sa Bgy. Pambisan ang tungo namin. Saan kami sasakay?” tanong ni Inay sa isang lalaking nagtatawag ng pasahero.
“Dito po sa van kayo sumakay at patungong Pinamalayan ire.”
“Ang Bgy. Pambisan?” tanong ni Inay.
“Sasakay pa kayo ng traysikel. Ibababa kayo ng drayber sa Siyete.”
“Salamat.”
Eksakto alas-dos ng hapon ay nasa Bgy. Pambisan na kami.
Ipinagtanong namin doon kung saan ang bahay ni Nanay Encar. Sinamahan kami ng lalaki sa bahay.
Isang bahay na maganda ang pinuntahan namin. Nagtao po kami at sumungaw sa gate ng bahay ang isang babaing maganda na kasinggulang ni Inay.
“Maring!”
“Ako nga Encar.”
Lumabas ang babae at niyakap si Inay. Malu-ha-luha si Nanay Encar habang yakap si Inay.
(Itutuloy)