Ellang(77)

(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)

SUMUNOD na linggo ay medyo nasiyahan ang aking kalooban dahil naulinigan kong aalis na raw ang mga kapatid ni Madam. Nag-uusap sila nang malakas at nakaka­intindi naman ako ng kapiranggot na Arabic. Biyernes daw ang alis    ng magkakapatid.

Pero nadismaya ako dahil ang dalawang ba­baing kapatid lamang pala ang aalis patungong Abha at ang bunsong kapatid na si Rashid ay maiiwan dito sa Riyadh.

“Muskila Rashid,” sabi ng isang babaing kapatid. Masyado na raw ang gi­nagawang kalokohan sa Abha. Ayaw isama ng dalawa dahil muskila     raw. Nandidilat ang mga mata ng isang kapatid na babae sa pagtangging isa­ma si Rashid. “La! La!”  sabi ng isa.

Si Madam na palibha­sa’y panganay, ay walang magawa sa suhestiyon ng dalawang kapatid na ba­bae. At iyon daw ang bilin ng kanilang mga magulang. Dito na raw  muna sa Ri­-yadh ang bunsong si Ra-shid   para madisiplina. Mas ma­higpit daw dito kaysa  Abha. Baka raw sakaling mag-bago kung narito sa Riyadh. Marami raw ka-bar­kadang “karban”  o sira-ulo si Rashid. Karamihan daw sa mga kaklase nito  ay “karban”. Hindi na rin daw muna pag-aaralin si Rashid. Kung magtitino habang nasa Riyadh ay dito na raw pag-aralin.

Pinal na ang desisyon ng magkakapatid at wala namang sey si Sir sa de­sisyon ng mga hipag.

Nakadama ako ng takot nang marinig na muskila pala ang binatilyong si Rashid. Hindi nga ako nag­kamali ng hula. Unang kita ko pa lamang ay tila pasa­way na ang binatilyo. Para bang hindi gagawa ng ma­buti. Ang mga titig ay tila    sa isang nakaloloko. Pa­rang walang kinatatakutan.

Lalo nang lumabo ang aking pag-asa na makadalo sa Bible study kina Sister Cynth. Kung may natitira pang bisita sa bahay, hindi ako sigurado papayagan ni Sir. Kailangang nasa bahay ako palagi. At paano kung mamalagi na sa bahay ang pasaway na si Rashid? Paano kung dito na nga siya sa Riyadh manirahan para lamang maiiwas sa masa­mang gawain sa Abha?  Ibig sabihin ay tala­gang hindi na ako makala­labas ng bahay.

Pero ang alalahaning iyon ay maliit lang kum- para sa mga sumunod ko pang naisip na maaaring mang­yari.

Mas lalo akong kinila­butan at natakot sa isi­ping paano kung mapag-iisa na kami ni Rashid    sa bahay habang nasa trabaho sina Sir at Ma­dam. Hindi kaya kung anong kalokohan ang gawin sa akin. Kung anu-anong alalahanin ang biglang pumasok sa isip ko. Paano kung habang nakatalikod ako ay big­lang tutukan nang pa-talim ni Rashid at utu-sang maghubad sa harap niya at…

(Itutuloy)

Show comments