KUNG hindi dahil sa dolyares ni Melvin Underwood ay baka naloko ako kung saan hahanap ng perang gagastusin sa panganganak. Walang pirmihang trabaho na makuha si Jomar. Sa nanay ko pa rin kami umaasa. Kapag naman sinabi ko kay Jomar na humingi naman sa kanyang ina ng pera para gastusin namin ay mabilis tumanggi. Wala rin daw pera ang nanay niya dahil mahina rin ang benta ng tindahan sa palengke.
"Ang nanay ko ang nagpapalamon sa atin. Baka naman puwedeng makahingi sa inyo."
"Hindi nga puwede dahil walang pera si Nanay."
At ako na ang kusang titigil sa pagtatalak sa kanya. Baka marinig pa ni nanay ang aming pagbabangay ay baka sumali pa at lalong magkagulo sa aming bahay. Nagtimpi na lamang ako ngunit talagang gusto nang sumabog ng dibdib ko dahil sa mahinang klase kong asawa. Walang pangarap na makaahon sa hirap. Tama na sa kanya ang pagiging palamunin.
Mabuti at may ka-penpal akong Kano na nagpadala ng $200. Ipinaalam ko kay Jomar ang perang pa-dala ni Melvin. At gaya ng dati walang reaksiyon. Okey na nga sa kanya na mayroon akong ka-penpal na balang araw ay hahango sa akin sa hirap.
Dumalas pa ang sulat ni Melvin. Siya raw ay retiradong sundalo ng US Navy. Ayon sa kuwento, diborsiyado siya at may dalawang anak, isang lalaki at isang babae. May sariling buhay na ang dalawang anak. Ang tanging kasama raw niya sa bahay niya sa Virginia ay ang kanyang alagang aso at mga love birds.
Nag-imagine na ako. Ano kaya ang pakiramdam kapag nakasakay na sa eroplano patungong Tate? Ang dami sigurong pera ni Melvin. Ang laki siguro ng bahay niya. Nag-i-snow din kaya sa Virginia. Busog na busog ako sa mga pangarap. (Itutuloy)