"MABAIT po at maraming riyals," sabi kong nakangiti sa nanay ni Tina. Napatawa ang matanda. Ang anak ni Tina na nalaman kong Trish ang pangalan ay walang imik at nakatingin sa dinadaanan ng taksi. Ang maglola ay nasa likuran. Katabi naman ako ng drayber.
"Arabo ba ang magiging asawa ni Tina?" tanong ng matanda na para bang uhaw na uhaw sa impormasyon kay Tina tungkol sa balak na pag-aasawa.
"Arabo po. Isang Saudi. Napaka-suwerte po ni Tina at ang Arabong iyon ang kanyang nakilala."
"Hindi kaya umiyak muli si Tina kapag silang da- lawa na ang mag-asawa?"
"Nasisiguro ko po. Matagal ko na po kasing kilala si Sadik. Sadik po ang tawag namin sa mapapangasawa ni Tina."
"Kilala mong talaga ang Arabo?"
"Opo."
Ikinuwento ko sa matanda ang buong pangyayari kung bakit kami nagkakilala ni Tina. Ikinuwento ko rin kung paano nagkakilala sina Tina at Sadik. Pati ang pagliliga-wan ng dalawa ay ikinuwento ko na rin. Sabik na sabik nga ang matanda sa mga nangyayari kay Tina sa Saudi. Palagay ko, matagal na silang nagtatampuhan kaya walang nalalaman ang matanda.
"Si Sadik po ay isang biyudo. Walang anak. Ang asawa po niya ay suma- ma sa ibang lalaki. Pagkaraan ng ilang taon ay namatay na rin. Maraming negosyo si Sadik kaya nakasisiguro nang magandang buhay si Tina."
"Sana nga ay totoo iyan. Marami na kasing hirap na pinagdaanan ang anak ko kaya sana naman ay makatagpo na siya ng lalaking tapat at hindi siya lolokohin."
Ikinuwento ng matanda na binuntis lamang si Tina ng boyfriend nito at saka iniwan. Ang bunga niyon ay si Trish. Nagtatrabaho pala sa isang mall si Tina nang makilala ang ama ni Trish.
"Madalas kaming magtalo ni Tina dahil sa lala- king iyon. Sabi ko hindi maganda ang nakikita ko sa mukha ng lalaki. Tipong hindi gagawa ng mabuti. Pero matigas si Tina at hindi ako sinunod "
Nakikinig ako sa matanda. Ang apo niyang si Trish ay nakikinig pero siguroy alam na rin niya ang kuwentong iyon.
"Kahit na nabuntis na at naipanganak si Trish ay patuloy pa si Tina sa pakikipagkita sa lalaking iyon. Walang kadala-dala. Sabi ko bubuntisin lamang siya uli ng lalaki at tapos ay iiwan uli. Gagawin lamang siyang "parausan". Pero ayaw makinig sa akin. Patuloy pa rin si Tina. Hanggang sa dumating sa punto na binubugbog pala siya ng lalaking iyon. At noon lamang natauhan si Tina."
"Nasaan na po ang lalaking iyon?"
"Balita ko ay nakakulong dahil nakapatay. Habambuhay ang parusa."
Napatangu-tango ako.
"Alam mo, mabuti na lang at hindi nagpakasal si Tina sa lalaking iyon."
"Mabuti nga po sapagkat baka magkaproblema sila ni Sadik ngayong balak na nilang pakasal."
"Pero bago nag-abroad si Tina, may naging boyfriend uli siya. At gaya ng dati muli ko siyang pinaalalahanan. Nagalit muli sa akin. Kulang na lamang sabihin na huwag ko siyang pakialaman. At kagaya ng una, niloko uli siya. May asawa pala ang lalaki, tinikman lamang siya "
Hanggang sa mag-abroad nga si Tina. Iniwan sa ina ang anak. At maski nasa abroad ay may mga pagtatalo pa rin sila. May katigasan daw ang ulo ni Tina. Matagal din daw hindi umuwi si Tina mula Saudi. Kaya pala kanina nang dumating ako ay masaya si Trish sapagkat makikita na niya ang ina.
"Kaya alam mo, atubili akong sumama sayo dahil hindi ko alam kung may tampo pa sa akin si Tina."
"Wala na po sa palagay ko," sagot ko.
"Salamat naman. Sabik na rin ako sa anak ko."
Mabilis ang aming biyahe dahil walang trapik patungong hotel na kinaroroonan ni Tina.
Tuwang-tuwa si Tina nang makita ang anak at ang ina. Niyakap niya nang mahigpit ang dalawa. At pagkaraan ay ipinakilala na niya sa mga ito si Sadik.
(Itutuloy)