Sadik (ika-59 na labas)

(Kasaysayan ni Tony Z. ng Riyadh)

NANG makarating sa ospital ay agad akong bumaba sa sasakyan at tinulungan ang aking asawa na maibaba. Mabilis din namang nakalapit ang dalawang attendant na may dalang de-gulong na stretcher. Binuhat namin si Susan dito. Mabilis na itinulak patungo sa delivery room. Hindi ko na naalala ang aming sasakyan na kailangang i-park ko muna nang maayos. Mas mahalaga ang aking si Susan. Baka abutan na siya ng panganganak ay kung ano pa ang mangyari.

Sa delivery room ay nakita ko ang maraming manganganak. Ganoon pala kalaki ang delivery room na iyon. Nakalulula sa laki at kumpleto sa gamit. Palibhasa kasi’y iyon ang unang karanasan namin na magkakaroon ng anak kaya manghang-mangha ako.

"Muskila Sadik," sabi sa akin ng isang lalaking nakasuot ng laboratory gown na berde. Sa tingin ko siya ang namamahala sa delivery room. Isang Pakistani marahil. Bawal daw ang magtagal sa loob ng delivery room.

Nangatwiran ako na dapat kong malaman ang kalagayan ng aking asawa.

"Don’t worry. She is safe here," sagot ng lalaki.

Pagkaraan ay isang papel ang iniabot sa akin. Sagutin ko raw ang mga tanong at saka pinapirmahan. Huwag daw akong mag-alala at nasa safe hands daw ang aking sawj (asawa).

Lumabas ako at tinungo ang sasakyan. Nagulat ako sapagkat wala na iyon doon. Naloko na. Baka kung saan dinala ng mga guwardiya ng ospital. Baka nakasagabal kanina ay dinala kung saan. Malaking problema kung saan ko hahanapin ang sasakyan.

Problemadong hinanap ko ang opisina ng security. Sa pagtungo ko roon ay nakasalubong ko si Tina ang mabait na Pinay na tumulong din sa amin noong nagduduwal si Susan. Sinabi ko ang problema.

"Hayaan mo at ako ang bahala. Ano ba ang plate number at kulay ng sasakyan?"

Sinabi ko.

"Sige itatanong ko kay Muhammad. Siya ang duty officer kanina. Baka dinala sa garahe iyan."

"Salamat Tina." "Ku-musta si Susan?"

"Nasa delivery room pa. Pero malapit na raw manganak sabi ng nasa delivery room."

"Ay tatay ka na."

"Oo nga."

"Magpakain ka ha?"

"Oo ba."

"Siya nga pala nasaan ang amo mong Negro – si Sadik?"

"Natutulog pa nang umalis kami."

Napatangu-tango si Tina.

(Itutuloy)

Show comments