NAKARINIG ako ng tilaok ng manok. Hinagilap ko ang aking relo. Alas singko na ng umaga. Hindi ako gaanong makakilos at baka mahulog sa kama si Hilda. Tulog na tulog pa siya. Iningatan kong huwag magising. Kawawa naman.
Bumangon ako na iningatang hu-wag gaanong maalog ang kama. Hinagilap ko ang aking pantalon at isinuot. Hinanap ko ang CR. Maliit lamang iyon. Parang kahon. Doon na rin naligo. Talagang pang-isahan lang talaga ang kuwartong ito.
Nang lumabas ako ay gising na si Hilda. Nakaupo sa gilid ng kama.
"Aalis na ako, Hilda."
"Magkape ka man lang."
"Huwag na."
"Pasensiya ka na ha?"
"Ako nga ang dapat magsorry. Nahirapan ka tuloy matulog dahil inagawan pa kita ng espasyo."
"Wala yon."
Nagsuklay ako at inayos ang sarili.
"Tiyak na pag-uwi ko nandoon ang kalaban kong tibo. Huwag sanang uminit ang ulo ko at baka maumbag ko siya."
"Huwag mo na lang pansinin."
"Iyon ang gagawin ko pero pag hindi na ako nakatiis ewan ko lang."
"Huwag mo nang pansinin. May mangyari pa sa iyo e di apektado rin ako. Kapag may nangyari hindi na tayo magkikita."
Nilapitan ko si Hilda at hinalikan.
"Babay na."
"Babay."
Pero nang lalabas na ako ay naalala kong bigyan ng pera si Hilda.
"Hindi ito bayad ha? Para hindi ka maubusan sa pitaka mo. Mabuti yung may laman lagi ang pitaka."
Ayaw tanggapin ni Hilda. Mataas din ang pride. Nagmumukha raw siyang kawawa kapag ganoon.
Pero iniwan ko sa kama ang pera. Umalis na ako na hindi na siya nilingon.
May sarili akong susi sa bahay kaya kahit na anong oras ko gustuhing umuwi ay walang problema. Ang inaalala ko lang ay ang aking mga anak. Baka maapektuhan sila nang nangyayaring ito.
Walang tao sa kuwarto namin ni Rina. At alam ko na kung nasaan siya. Tiyak na nasa guest room at kaulayaw si Joan.
Pero maaari rin namang wala sila rito sa bahay at kung saan nagpunta ma-karaang kumain sa restaurant. Hindi bat nakita namin sila ni Hilda kagabi.
Aywan ko kung ano ang aking naisip at bigla kong pinuntahan sa guest room.
(Itutuloy)