Hindi ako tumigil sa pagtakbo. Hindi ko inintindi ang sumisigaw. Alam ko si Mang Angel lamang ang nasa likuran ko. Para ko pang nakikita ang pagkakangisi niya habang nakatingin sa katawan ko. Noon ko lamang naisip na punit nga pala ang damit ko sa may kilikili dahil sa biglang paghaklit kanina ni bossing. Naalala ko ang mga nangyari kanina habang pinipilit akong ipasok sa kuwarto. Muntik na akong mabiktima ng Intsik na iyon. Pero masakit naman ang wakas niya sapagkat ang sariling "modelo" niya ang pumatay sa kanya.
"Che, hintayin mo ako!"
Saka lamang ako natauhan sa tawag na iyon. Kilala ko ang boses na iyon. Hindi ako maaaring magkamali kay Ate Au.
Tumigil ako sa pagtakbo at nilingon ang tumatawag. Si Ate Au nga! Siguroy nang malaman niya na nasalakay na ang Black Roses ay mabilis na sumugod doon.
"Hintayin mo ako!"
"Ang akala ko si Mang Angel ang tumatawag sa akin. Hinahabol kasi niya ako," sabi kong humihingal.
"Sinong Mang Angel?"
"Yung dati naming kalapit-kuwarto na muntik nang mang-rape sa akin noong dalagita pa lamang ako."
"Nasaan na ang Mang Angel na iyon?"
"Hindi ko alam Ate Au dahil nagtatakbo nga ako. Hindi na ako lumingon dahil sa takot. Kasi nakita kong mapupula ang mga mata niya at tila masama ang balak sa akin."
"Bakit napunit ang damit mo Che?"
Ikinuwento ko ang mga nangyari kanina. Gulat na gulat si Ate Au sa mga pangyayari.
"Muntik ka na palang mabiktima Che."
"Kung hindi nakita ng isang pulis ang pangyayari kanina, baka ngayon ay nasa kuwarto pa ako ni Mr. Lee at masakit pa ang sugat "
"Napakawalang-hiya talaga ni Mr. Lee. Mabuti nga at napatay siya. Nagbayad lang siya sa mga winalanghiya niyang babae."
Nakatingin lamang ako kay Ate Au.
Isang dyip na walang laman ang pinara namin. Mabilis kaming sumakay.
"Sa bahay ka na matulog Ate."
"Talagang sa bahay nyo ako matutulog. Marami pa tayong pagkukuwentuhan."
Nang dumating kami sa bahay ay gising pa si Inay. Siguro ay hindi makatulog nang malamang hindi pa ako dumarating.
Napansin ang damit kong may punit. Sinabi ko ang dahilan, Ano pa ba ang ipaglilihim ngayon. Sinabi ko ring patay na ang may-ari ng Black Roses. Sinaksak ng dating asawa nito.
Hindi agad nakapagsalita si Inay. Tila ba may bumara sa lalamunan.
Si Ate Au ang nagsalita. Marahan lamang.
"Nakaganti ka na rin Gracia. Yung mga kaapihan na dinanas mo kay bossing ay pinagbayaran na niya,"
Bigla akong napatingin kay Ate Au. Ano kaya ang ibig niyang sabihin na nakaganti na si Inay kay bossing?
(Itutuloy)