"KUNG ikaw ang nasa kalagayan ko, Donna, ano ang gagawin mo?"
"Gagawin ko rin ang balak mo Ate. Kaysa naman, hayaan nating mamatay si Inay."
Sa sagot na iyon ni Donna ay nagkaisa kami. Gawin ang inaakalang paraan para mailigtas ang aming ina at upang huwag kaming magutom.
"Tayong dalawa lang ang nakaaalam nito, Donna. Kapag magaling na si Inay at naiuwi na natin sa bahay, huwang kang babanggit kay Inay tungkol sa trabahong pinasok ko."
"Oo Ate."
"Pansamantala lamang ito. Kapag nabayaran na natin ang utang, aalis ako sa "Black Roses" at maghahanap ako ng disenteng trabaho."
"Naniniwala ako sayo Ate. Ikaw ang bahala. Alam kong tama ang mga pasya mo."
"Ang iniisip ko ay ang sasabihin sa akin ni Ate Au. Ayaw na ayaw niya akong papasukin sa "Black Roses". Huwag ko raw siyang sisihin sa maaaring mangyari sa akin."
"Kalimutan mo na ang sinabi ni Ate Au. Mas mahalaga ang kalagayan ni Inay "
Kinabukasan, ipinasya ko nang magtungo na sa "Black Roses" para makausap si Mr. Lee. Plantsado na ang mga sasabihin ko sa kanya, payag na akong magmodelo sa club pero pautangin muna niya ako ng P50,000 para pambayad sa ospital.
Tama ang sinabi ni Donna na huwag ko nang intindihin ang mga sasabihin ni Ate Au. Kung makikita ko si Ate Au at hindi na maaaring maiwasan, sasabihin ko sa kanya ang totoo na si Mr. Lee lamang ang alam kong makatutulong sa gipit naming kalagayan. Kailangan kong kumilos para mailigtas sa kamatayan si Inay at kami man ay hindi mamatay sa gutom.
Subalit hindi ko nakita si Ate Au sa "Black Roses". Ang nakausap ko ay ang isang babae roon na nakita ko na nang una kaming magkita at magkausap ni Ate Au. Siya yung babaing natutulog sa katre noon.
"Wala na si Au. Sinibak na ni Bossing."
Hindi ako makapaniwala.
"Ano ang dahilan?"
"Hindi ko alam," sagot ng babae. (Itutuloy)