Salamat, hinango mo ako sa putikan! (40)

(Batay sa kasaysayan ng isang nagpapatago sa pangalang Che)

NANG tumayo ako at lumakad palabas ng kuwarto ni Mr. Lee ay alam kong hinabol niya ako ng tingin. Nakita ko sa mga sulok ng aking mata ang paghanga ni Mr. Lee. Siguro’y talagang gandang-ganda siya sa akin at nakikita niyang ako ang magpapalakas sa mahina niyang negosyo. Ako ang nakikita niyang magpapabango sa "Black Roses".

Nang lumabas ako sa silid ay nakaabang na pala si Ate Au sa labas ng silid. Gustong malaman kung ano ang sinabi sa akin ni Mr. Lee.

"Ano Che? Anong sinabi sa’yo?" tanong nito.

"Inaalok niya ako ritong magtrabaho, Ate Au."

"Ano? Huwag kang papayag. Makinig ka sa akin, Che!"

"Hindi pa naman ako pumapayag, Ate Au."

"Ano pa bang sinabi niya Che."

"Hindi naman daw ako maghuhubad. Basta parang nagmomodelo lang ako sa harap ng mga manonood."

"Ganyan talaga ang sasabihin niya."

"Bakit Ate Au?"

"Sa palagay mo ba, yang ganda mong yan at yang sariwa mong ‘yan, hindi ka pagnanasaan ng mga kalalakihan?"

"Yon po ang sabi ni Bossing. Hindi raw lahat ng narito sa club ay naghuhubad."

"Ganyan nga ang sasabihin niya. Tatakawin mo muna siyempre ang mga kalalakihan. Babalutin ka muna. Itatago ang maganda mong katawan, at kapag inaakalang nag-uulol na ang mga manonood, hihiling nang alisin na ang nakabalot sa katawan mo. May magagawa ka pa ba?"

Hindi ako nakasagot. Hindi ko alam kung ganoon nga.

"Alam mo ba kung bakit ko nasabi ‘yan. Dahil ganyan din ang ginawa niya sa akin noong ako’y 16-anyos..."

Shock ako. Sixteen lang pala siya nang pumunta rito. Mas matanda pa ako.

"Akala ko nga basta pasexy-sexy lang. Iyon pala, bubukaka rin. Magpapakita rin ng "tahong". At ang masakit pa, siya ang unang tumesting sa akin."

"Tumesting?"

"Siya ang unang gumalaw sa akin."

Shock ako.

"Kaya nga sinasabi ko sa iyo, huwag ka nang babalik dito. Kung gagaling ang nanay mo, siya na lang ang magtrabaho uli. Ikaw, huwag dahil sayang lang. Tulad ko, nasayang..."

Nagpaalam na ako kay Ate Au.

Habang nakasakay sa dyipni pauwi ay ang mga ikinuwento ni Ate Au tungkol kay Mr. Lee ang iniisip ko.

Nang dumating ako sa bahay ay nakita kong tense na tense si Donna.

"Ang tagal mo Ate! Tumitirik na ang mga mata ni Inay dahil sa taas ng lagnat."

"Dalhin na natin sa ospital!" sabi ko at mabilis akong tumawag ng taxi.

Pinagtulungan naming buhatin si Inay. Humingi kami ng tulong sa taxi drayber para maisakay sa taxi.

Habang nasa taxi ay iniisip ko kung saan aabot ang dalawang libong pisong ipinautang ni Mr. Lee.

(Itutuloy)

Show comments