Salamat, hinango mo ako sa putikan! (Ika-19 na labas)

(Batay sa kasaysayan ng isang nagpapatago sa pangalang Che)

PERO laging nasa likod niya si Lola at ito ang nagpapalakas ng loob niya. Huwag daw mag-alala si Inay at sa awa ng Diyos ay makararaos din. Kung iyon nga raw iba na araw-araw ay namamalimos ay naka-raraos, kami pa raw na mayroon din namang kinikita kahit paano sa pagtitinda.

"Basta huwag ka na lamang uli papatol sa kung sino," payo raw ni Lola kay Inay.

"Hindi na Inay," sagot naman ng aking ina.

"At kung papatol ka, sana ay iyong hindi lamang ang katawan mo ang gusto. Iyong lalaking magiging kasama mo habambuhay ang piliin mo."

Nangako si Inay. Pero sa isip niya, mayroon pa kayang matinong lalaking magkakamali sa kanya. Mayroon pa kayang lalaking gugusto sa babaing may dalawang anak na magkaiba pa ang ama?

Matagal daw bago nakakita ng club na pagsasayawan si Inay. Bumagsak siya sa isang club na iyon na nasa may Pureza St. sa Sta. Mesa. Ang club ay dating sinehan. Ni-renovate at ginawang tanghalan ng kalaswaan. Kapag lumalim ang gabi, palalim din nang palalim ang mga palabas. Sabi ni Inay, kung nalalaswaan siya sa ginawa sa mga naunang club na siya ang "star", mas matindi sa club na iyon sa Pureza. Todo talaga.

Kung sa mga naunang club sa kahabaan ng Mabini ang mga customer ay mga disenteng executive sa Makati at ang iba ay mga Hapones at Koreans, sa Pureza ay mga karaniwang trabahador ang kostumer. Mas malakas sila kung sumigaw at habang nanonood ay mayroong kung ano ang ginagawa para mapaligaya ang sarili. Hindi kaya ni Inay sa simula ang ganoong tanawin pero kailangan niyang kumita para sa amin ni Donna. Hindi sapat ang kinikita ni Lola sa pagtitinda sa palengke.

Ang isang masamang dagok na naranasan ni Inay ay nang mamatay si Lola. Nagkasakit ito. Pulmonya raw.

Sa pagkamatay ni Lola, tila nawalan ng makakapitan si Inay. Nawalan ng kakampi at taga-suporta.

(Itutuloy)

Show comments