NOON ko lang nakitang lumuha na nauwi na sa tuluyang pag-iyak si Inay. Siguroy dahil sa tindi ng pagkaawa sa sarili o sa galit sa aking ama. Walanghiya at hayop ang pagkakatawag niya sa aking ama. O baka kung may itatawag pa ay sabihin na niyang demonyo ito. Kung bakit, ay patuloy pa niyang ikinuwento sa akin.
Ilang beses pa raw siyang iminotel ng aking ama. Sunud-sunuran siya dahil mahal naman talaga niya ito. Unang lalaki raw sa kanyang buhay. At tanggap naman daw ito sa bahay nila. Mabait na mabait daw si lola sa aking ama kapag pumupunta sa bahay. Kasi ngay mayaman at guwapo ang aking ama.
Hanggang sa dumating ang oras na iyon. Hindi na siya dinatnan ng regla. Hanggang sa makaramdam ng kung anu-ano sa katawan. Nasusuka sa umaga. Walang ganang kumilos. Malaki ang hinala niyang buntis siya. Sinabi raw niya sa aking ama ang mga nararamdaman.
"Wala yan!" sabi raw ng aking ama.
"Baka buntis ako," sabi raw naman ni Inay.
"Hindi! Hindi ka buntis!"
Pero malakas ang kutob niya kaya sinabi raw niya kay lola ang nararamdaman. Hindi raw nakapagsalita si lola. Alam niyang naghihinala na rin si lola. Sinamahan siya nito sa klinika at nagpa-checkup. Buntis nga siya!
Ipinakita raw niya ang resulta ng pregnancy test sa aking ama. Ayaw pa rin itong maniwala. Hanggang sa magsigawan sila.
Hanggang sa ang aking ama na rin daw ang nagsabi na maglive-in na sila. Taka si Inay. Bat live-in? "Pakasalan mo ako." Tumanggi raw ang aking ama.
"Bakit? tanong daw ni Inay.
Saka nalaman ni Inay na may asawa na pala ang aking ama.
"Walanghiya ka! Bat mo ako niloko?" sabi niyang sumisigaw.
"Huwag kang mag-alala at ibabahay naman kita. Magsasama tayo."
Ano pa raw ang magagawa niya. Sumunod na lang sa gusto ng aking ama.
Itinira siya sa isang maayus-ayos na apartment. Hanggang sa manganak siya. Ako nga ang ipinanganak na iyon. Nang ipanganak daw ako ay wala ang aking ama kaya si lola lamang ang nag-asikaso sa kanya sa ospital.
"Babae ang anak mo," sabi raw ni Lolang nakangiti. "Maganda."
Wala raw reaksiyon si Inay sa balita ni lola tungkol sa akin. (Itutuloy)