"HINDI puwede Sancho," sagot ko. "Kapapadala lang ng mister ko ng pera. Magtataka yon kung bakit humihingi na naman ako."
"Ay ang hina ng kukote nito "
Tiningnan ko nang matalim si Sancho. Para ipaalam na hindi ko gusto ang sinabi niya.
"Ay sorry Sweetheart," sabi ng gago.
"Paano ang gagawin ko Sancho."
"Tawagan mo nga ang mister at sabihin mong naholdap ka. Tinangay ang bag mo. Walang natira sayo kundi pamasahe "
Nabuhayan ako ng loob. Magandang ideya ang naisip ni Sancho.
"Ano sweetheart aprub bang payo ko?"
Hindi ako sumagot. Pinag-iisipan ko ang ideya niya.
"Hindi ko yata kayang magsinungaling Sancho," sabi ko.
Napahalakhak ang gagong si Sancho.
"Hindi mo kayang magsinungaling? E mas matindi pa nga ang ginawa mong pag-ipot sa ulo niya e "
"Sancho ha kanina mo pa ako binabara. Baka akala mo hindi kita kayang hiwalayan "
Sinuyo ako ni Sancho.
"Hindi ka na mabiro. Pinatatawa lang kita e."
"Ilagay mo sa lugar."
Tumahimik si Sancho.
Maya-maya ay inakbayan ako at sinabing ang pinayo kong tawagan si Ramon ang pinaka-epektibo. Wala nang iba pa.
"Ituloy mo na ang plano. Tawagan mo na ngayon din "
Napatango ako.
"Ano ngang sasabihin ko Sancho?"
"Sabihin mo naholdap ka habang naglalakad sa Ermita. Galing ka sa pag-aaplay ng trabaho. Inakbayan ka ng holdaper at nakatutok sa tagiliran mo ang kutsilyo. Ibinigay mo na kaagad ang bag mo at baka ka saksakin ng holdaper "
"Ganoon lang?"
"Oo. Pero artehan mo ang boses mo ha. Kung magagawa mo, umiyak ka pa para maging makatotohanan."
Ginawa ko ang sinabi ni Sancho. Tinawagan ko rin ng oras na iyon si Ramon. Mabilis akong nakakontak sa Riyadh.
Ilang sandali pa at kausap ko na si Ramon. Inartehan ko ang boses ko. Pinilit kong umiyak.
"Anong nangyari at umiiyak ka Nena?" tanong ni Ramon.
"Naholdap ako kahapon Ramon."
"Ano?"
"Naholdap ako kahapon ng hapon. Natangay lahat ang laman ng bag ko pati pera."
Kasunod ay bumunghalit pa ako ng iyak.
Habang nakikipag-usap ako kay Ramon ay nakasilip sa pinto ng kuwarto si Sancho. Nakangisi.
(Itutuloy)