Darang sa Baga (198)

(Kasaysayan ni Nena ng Mandaluyong City)

"KUNG tumawag ka para paghinalaan ako o kaya’y singhalan huwag mo nang gawin at ibababa ko itong phone," sabi ko kay Ramon nang tumawag isang umaga. Tumawag siya na nagkataong nasa bahay pa si Sancho.

"Huwag ka munang magalit. Tumawag ako para mag-sorry…"

Kunwari ay napabuntung-hininga ako. Magaling akong umarte sa ganoong pagkakataon. Nasanay na sa mga nakaraan kung pakikipagrelasyon sa mga lalaki.

"Hindi naman ako nagagalit kung lumabas ka ng bahay. Sa akin lang e baka walang tumitingin sa mga bata.."

"E meron naman tayong katulong di ba?"

"Mas mabuti kasi kung ikaw ang nandiyan, Pero kung gusto mong maghanap ng trabaho e di sige…"

"Talagang magtatrabaho ako."

Si Ramon naman ang nagbuntunghininga.

"Sige kung iyan ang gusto mo."

"Naiinip ako rito. At saka gusto kong kumita…"

"E kung dagdagan ko ang padala diyan. Kahit na wala nang matira sa akin. Magtatrabaho ka pa rin?"

Hindi ako nakasagot. Paano nga?

"Sige, kung madadagdagan mo, hindi na ako magtatrabaho…"

"Gusto mo umuwi ako diyan sa susunod na buwan. May naipon naman akong pambili ng ticket."

"Naku huwag na! Di ba kauuwi mo lang. ‘Yung ibibili mo ng tiket ay ipadala mo na lang para sa amin. Masaya pa kami."

"Sige."

Nakita kong nakatingin sa akin si Sancho habang nasa may pintuan ng kuwarto. Nag-thumbs up sa akin. Ginantihan ko rin ng thumbs up.

Natapos ang usapan namin.

Mabilis akong pumasok sa kuwarto at niyakap si Sancho.

"Anong balita Nena?"

"Ayos na."

Hinalikan ako ni Sancho sa labi.

(Itutuloy)

Show comments