TULUG na tulog na ang aking dalawang anak at pati na ang aking maid na si Lani kapag dumarating ako ng madaling araw. Bahagya ko lamang silang susulyapan at matutulog na rin ako.
Kinabukasan, tanghali na akong magigising at ipinauubaya ko na lamang kay Lani ang pagluluto at pagpapakain sa dalawa kong anak. Aabutin ako ng hanggang alas-diyes ng umaga sa higaan. Sinabihan ko na si Lani na huwag akong gigisingin maliban lamang kung hindi importante. Gaya minsan, ginising ako dahil lamang sa may nag-aalok ng insurance. Pinagalitan ko. Huwag nang uulitin iyon. Gisingin lamang niya ako kapag dumating na ang lalaking nagdadala ng pera galing sa Saudi. Door-to-door ang paraan ng pagpapadala ni Ramon ng pera. Mula noon ay hindi na ako ginigising ni Lani.
Pero minsang may nagpunta sa bahay na lalaki at hindi ako ginising ay pinagalitan ko rin.
"Sabi mo Ate huwag kitang gisingin kapag hindi importante," sabi ni Lani.
"Oo nga, sinabi ko nga iyon. Pero yung hindi mo pinatuloy kanina ay kalaro ko sa sugal si Sancho. Kakahiya sa kanya!"
"Hindi ko naman siya kilala Ate."
"Mula ngayon kapag nagpunta rito si Sancho, patuluyin mo at gisingin ako. Maliwanag?"
"Opo Ate."
Si Sancho ang kapartner ko sa pagsusugal. Guwapo at marami raw pera dahil ang asawa ay nasa Canada. Nurse raw ang kanyang asawa. Mga ilang buwan na lang daw at susunod na siya sa Canberra. Naiinip daw siya kaya sa pagsusugal siya nabaling. Pampalipas ng oras.
"Ikaw Nena bat ka nagsusugal?" tanong sa akin minsan ni Sancho.
"Para rin malibang."
"Nasaan ang dyowa mo?"
"Nasa Saudi sa Riyadh."
Napansin kong nanlaki ang mga mata ni Sancho nang malamang wala rito sa Pilipinas ang aking asawa.
"Matagal na siya roon?"
"Matagal na. Doon nga kami nagkakilala."
"Pareho pala tayong wala ang asawa rito."
"Ano ngayon?"
Napansin kong lumabas ang dila ni Sancho.
(Itutuloy)