Marami ang tumulong kay Lucia at unang-una na ang kanyang mababait na Italyanong amo. Hindi siya pinabayaan. Sinuportahan siya. Nakarekober si Lucia sa masamang bangungot. Hanggang sa ipasyang magbalik na sa Pilipinas.
"Halos iisa pala ang kapalaran nyo Pacita?" tanong ko.
"Mas matindi ang sa akin. Ako simula pagkabata, puro sugat na "
"Pero bumabahaw din pala ang sugat kahit anong lalim ano?"
"Oo."
"Wala ka nang nararamdamang sakit?"
"Wala na. Meron kasi akong taong nakilala na magaling magpabahaw ng sugat "
"Sino?" Kunwari ay nagmaang-maangan ako.
"Ikaw!"
"Patunayan mo."
"Pumikit ka Pepe."
Pumikit ako.
"Huwag kang didilat hanggat hindi ko sinasabi."
Sinunod ko si Pacita. Naramdaman ko ang dahan-dahan niyang pag-alis sa tabi ko. Magtatago sa palagay ko. Makikipaglaro. Matagal siya bago nagsalita.
"Dumilat ka na at hanapin mo ako " sigaw ni Pacita.
Ginawa ko. Hinanap ko siya sa likod ng pinto. Wala. Sa likod ng ref. Wala. Gumawi ako sa isang kuwarto. Madilim. Hindi ko maaninag. At nagulat na lamang ako nang biglang may yumakap at humalik sa akin.
Itutuloy