Mga mata sa butas (Ika-96 labas)

(Kasaysayan ni Pepe ng Riyadh, KSA)

MALAKI ang P and L mini-mart na ang style ay tulad sa 7-11. May isang guwardiya. Isinurender ko sa guwardiya ang dalang plastic bag na may mga lamang pasalubong ko kay Pacita. Pumasok na ako sa loob. Maraming taong bumibili. Asenso na nga ang mart gaya ng sinabi sa akin ni Pacita sa sulat. Sa dami ng mga bumibili ay halos hindi ko makita kung nasaan nakapuwesto ang cashier. Pumasok pa ako sa dakong loob. Nasa gawing kanan pala. Si Pacita ang nasa kaha. Abalang-abala. Hindi niya ako nakikita dahil nakahalo ako sa karamihan ng mga taong bumibili.

Nakaisip ako ng pa- raan para lalong maging memorable ang pagkikita namin ni Pacita. Gugulatin ko siya. Iyong tipong hindi niya inaasahan.

Nagtungo ako sa section ng ice cream. Isang gallon ng ice cream ang kinuha ko. Kumuha ako ng cone na nasa box at saka pumila para bayaran sa cashier. Walang kamalay-malay si Pacita na pinagmamasdan ko na siya. Napansin kong tumaba at gumanda si Pacita. Kakaiba ang itsura kaysa noong magkakilala kami sa Saudi. Maaliwalas na ang kanyang mukha na tila wala nang problema. Wala akong makitang bakas nang nangyaring masamang bangungot sa kanya sa Saudi.

Palapit na ako nang palapit kay Pacita. Napapagmasdan ko pa siya nang husto. Lalong gumanda ang katawan ni Pacita. Nagkaroon ng laman ang katawan. Naging kapuna-puna ang mayayaman niyang dibdib sa suot na asul na blusa. Hanggang balikat ang buhok ni Pacita.

Isang tao na lang ang pagitan at ako na ang magbabayad kay Pacita. Wala pa ring kamalay-malay si Pacita na ako ang sunod na magbabayad.

Natapos ang lalaking sinusundan ko.

Ibinaba ko ang ice cream at box ng apa. Pinindot ni Pacita ang kaha at kinuwenta. Sinabi nito ang presyo.

Dumukot ako sa pitaka ng P1,000. Iniabot sa kanya. Sa pag-abot ko saka lamang siya tumingin sa akin. Matagal. Tila inaalala kung saan ako nakita.

"Pepe!"

(Itutuloy)

Show comments