TRESE anyos siya at first year high school nang mapansin ang lalaking customer ng kanyang ina na madalas sa kanilang bahay. Mas bata ang lalaki kaysa sa kanyang ina. May itsura, may bigote pero may mga matang kung ititig ay para bang nanghahalukay ng kaluluwa.
Kapag nagpupunta ang lalaki at makikita siya ay nginingitian siya. Pero ngiting aso. Kakaiba. May gustong ipahiwatig. Hindi niya pinapansin iyon. Madalas siyang naaabutan ng lalaki habang nag-aaral ng leksiyon sa salas. Papasok sa kuwarto ng kanyang ina ang lalaki at alam niya kung ano ang mangyayari. Sanay na siya roon. Alam na niya na iyon ang trabaho ng kanyang ina. Hindi na niya pinapansin. Nakatutok siya sa kanyang pag-aaral.
Pero isang araw ng Linggo, nagtaka siya nang makitang dumating ang lalaki. May dalang traveling bag. Gaya ng dati, ngumiti sa kanya. Nakasalampak daw siya sa sahig at nakalislis ang palda at nakita niyang nakatitig doon ang lalaki. Bigla niyang kinipit ang mga hita.
Tuluy-tuloy daw ang lalaki sa kuwarto ng kanyang ina. Hindi na raw niya tiningnan ang lalaki. Wala na siyang pakialam kung anuman ang gawin nila.
Maya-maya raw ay biglang lumabas ang kanyang ina. Kasunod ang lalaki sa likuran.
"Pacita, dito na titira si Benjo Tito Benjo mo na siya ngayon."
Hindi ako tumingin. Itinuloy ko ang pagsusulat sa notebook.
"Hoy kinakausap kita. Dito na titira si Benjo. Naririnig mo ako?"
"Opo!" sagot daw niya.
"Anong problema mo at sambakol ang mukha?"
"Wala po!"
"Maghanda ka ng makakain. Maggisa ka ng sardinas. Gutom na si Tito Benjo mo "
Tumayo ako at nagtungo sa kusina. (Itutuloy)