GABI na nang umalis kami ni Dado sa Philippine Embassy. Ayaw pa kaming paalisin ni Mely sapagkat wala na naman daw siyang makakausap pero tapos na ang dalaw at pinalalabas na ang mga tao sa embassy.
"Kasama mo naman si Pacita di ba?" tanong ko.
"Nakalulungkot kapag kaming dalawa lang ang nag-uusap."
"Di bale at ilang araw ka na lang naman dito."
"Kapag nakaalis na ako rito, lagi nyong dalawin si Pacita. Nakakaawa naman siya. Pakiusap Pepe," nagmamakaawa ang tinig ni Mely.
"Taga-saan ba siya sa Pinas?"
"Sa Laguna."
"Ano ang balita sa walanghiya niyang amo?"
"Iniimbestigahan pa raw."
"Sige at ako na ang bahalang gumawa ng paraan kung ano ang maitutulong sa kanya."
"Salamat Pepe. Inumpisahan mo na rin lang ang pagtulong sa akin, idamay mo na pati si Pacita."
Tumango ako. Umalis na kami ni Dado.
Na-repatriate si Mely at tinupad naman ni Dado ang pangakong kasama siya sa pag-uwi ng dalaga. Sabi ni Dado, hindi siya babalik sa Saudi hanggat hindi sila kasal ni Mely. Ako raw ay isa sa mga ninong.
Tinupad ko rin naman ang pangako kay Mely na tutulungan si Pacita. Hindi ko alam kung bakit ang isang tulad kong "bosero" ay nahantong sa pagtulong sa mga babaing kapuspalad. Siguroy ito ang parusa sa mga ginawa kong pamboboso sa mga anak ni Eba.
Pero kung mas masaklap ang kuwento ni Mely na ni-rape ng among Kuwaiti mas matindi ang kay Pacita.
Iyan ang ikukuwento ko. (Itutuloy)