"BAKLA ka nga siguro kaya kahit na nagpapakita na ng motibo sayo si Joy e hindi mo mapatulan," sabi ni Mama na tila naniniwalang "berde" nga ang dugo ko. Si Ninang Joy kasi ang may kasalanan. Dinagdagan ang nasa script namin. Nagduda pa palang bading ako.
"May bading ba naman na maskulado ang katawan," sabi ko kay Mama.
"Naku, yan ngang malalaki ang katawan ang nakapagdududa."
Tumawa ako.
"Di ako bading Ma. Hindi ko lang talaga gusto si Ninang. Iyon lang."
"Nangako ka sa akin di ba? Sabi mo nagugustuhan mo na rin si Joy."
"Hindi pala Ma. Mali pala ang damdamin ko. Hindi ko pala siya gusto."
"Sayang ang hirap ko sa pagligaw kay Joy. Sayang talaga."
"Maghahanap ako ng iba Ma. Bago ako umalis patungong Saudi, may asawa na ako at tiyak magugustuhan mo siya."
"Gusto koy si Joy. Kung mag-aasawa ka rin lang at hindi si Joy, huwag ka nang mag-asawa. Magburo ka na lang," sabing seryoso.
"Tiyak magugustuhan mo ang magiging asawa ko Ma."
"Huwag mo na akong kausapin," sabi at mabilis na umalis. Pumasok sa kanyang kuwarto.
Gusto kong habulin at ibigay ang pasalubong kong mamahaling alahas pero mabilis na nakapasok sa kuwarto at naisara nang pabalabag ang pinto.
Hindi lumabas si Mama sa kuwarto. Hinayaan ko.
Kinabukasan, maaga akong umalis para sunduin si Ninang sa hotel. Hindi pa rin naman lumalabas si Mama sa kuwarto niya. Matindi pa rin ang tampo sa akin.
Nakahanda na si Ninang Joy nang dumating ako sa hotel.
"Tamang-tama ang nangyari Ninang."
"Anong tamang-tama?"
"Nagtatampo si Mama."
"Bakit?"
Ikinuwento ko ang mga nangyari.
"Halika na nga sa inyo Eric at nang matapos na ang kuwentong ito."
Umalis na kami. (Itutuloy)