"MAS maganda nga kung medyo matanda ang babae dahil mapagpasensiya," sabing mariin ni Mama na nagkukumbinsing ligawan ko si Ninang Joy. Gusto ko nang tumawa habang nagsasalita si Mama. Kung alam lamang niya ang lahat.
"Okey din lang ba sayo Ma kahit hindi na dalaga?"
Mabilis ang pagsagot ni Mama. Walang paliguy-ligoy.
"Okey lang. Kukuha ka nga ng dalaga, masama naman ang ugali, sa diborsiyada na ako na mabait, malambing, may pinag-aralan."
Gustung-gusto talaga ni Mama si Ninang Joy. Kapag patuloy akong tumanggi o nagmatigas, si Mama ang kalaban ko.
"Ma di ba nakakahiya kung ang magiging nobya ko e matanda na?"
"Ang kulit mo talaga ano? Anong nakakahiya ron. Yun bang mga babae na nagkaasawa ng matandang lalaki, nahiya?"
"Iba yon. Babae sila na nakadagit ng lalaki. Walang masama."
"Anong masama kung lalaki na nakadagit ng matandang babae?"
Wala akong lusot. Mahirap biguin si Mama. Kapag hindi ko ginawa baka itakwil ako.
"Paano kung si Ninang nga ang maging asawa ko at hindi naman kami magkaanak?"
"Anong ibig mong sabihin?"
"May edad na siya di ba paano kung di na kami magkaanak?"
"Bat yon ang iisipin mo. Kung hindi magkaanak e di mag-ampon."
"Kasi nagtataka ako kung bakit wala siyang anak sa hayop na Kanuto."
Nag-isip si Mama.
"Baka baog ang Kano?"
"Ewan ko. Ang alam ko walanghiya ang Kano at masama ang ugali."
"Basta kung hindi kayo magkaanak, walang problema."
"Paano ko siya liligawan Ma?"
"Akong bahala."
"Ililigaw nyo ako?"
"Basta akong bahala."
Natapos ang aming pag-uusap.
Nang malaman ni Ninang Joy ang mga pinag-usapan namin ni Mama ay nagtawa nang nagtawa.
"Ang sarap maging nanay ni Nanay Caring este Mama pala."
"Gustung-gusto ka talaga niya. Suwerte mo sa magiging biyenan."
"Oo nga." (Itutuloy)