Ninang Joy (91)

LALO pang naging maligaya ang pagsasama namin ni Ninang nang minsan daw ay sabihin daw ni Mama (ewan daw kung nagbibiro) "Sana Joy ligawan ka ni Eric. Alam mo walang nobya yan. Mula nang mamatay si Jamie na nobya niya, hindi na nakaisip manligaw. Pawang trabaho nang trabaho ang inaatupag. Ewan ko ba maging matandang binata ‘yan."

Hindi raw agad nakasagot si Ninang sa sinabi ni Mama. Gusto na raw niyang sabihin dito ang lahat. Pero iba ang sinagot niya kay Mama.

"Malaki ho ang agwat ng edad namin. Saka magustuhan kaya niya ako?"

"Hu, ano bang agwat ng edad ‘yan. E bakit may lalaking malaki ang agwat ng edad sa babae. May halos lolo na nga pero nakapag-aasawa ng teenager."

"Hindi naman marunong manligaw si Eric Nanay Caring," sagot daw naman ni Ninang.

"Mahiyain kasi ang anak kong yan. Hindi katulad ni Michael."

"Opo nga Nanay Caring."

"Alam mo, gusto ko ikaw maging manugang."

"Ako man Nanay Caring, gusto ko ikaw maging biyenan."

"Hayaan mo sasabihin ko kay Eric na ligawan ka."

"Ay, huwag Nanay Caring. Gusto ko kung liligawan ako yung sariling sikap niya."

"Akong bahala Joy. Akong gagawa ng paraan."

Nang maibaba raw ni Ninang ang telepono ay gusto niyang maglulundag sa tuwa.

(Itutuloy)

Show comments