NABUHAYAN ako ng loob sa sinabi ni Caloy. Madali lang daw ang pekeng marriage certificate.
"Mga magkano ba ang aabutin, Caloy?"
"Maghanda ka ng 2,000 riyals. Kumpleto na yon. May Arabic translation pa."
"Kailan ko ibibigay?"
"Kung meron ka diyan ibigay mo na para madaling magawa."
Dumukot ako sa wallet ng 2,000 riyals at ibinigay sa kanya.
"Mga kailan ko makukuha?"
"After two weeks okey na ito."
"Wala bang sablay to Caloy?"
"Nerbiyoso ka rin pala Pards."
"Naniniguro lang. Alam mo naman ang mga motawa, magaling nang kumi-latis ng peke."
"Walang sablay to Pards. Mga mahuhusay na Pako ang titira nito," ang Pako na tinukoy ni Caloy ay mga Pakistani.
"Hindi Pinoy?"
"Hindi. Mahusay sa pamemeke ang mga Pako. Hindi halata na ang pinangtatak sa dokumento ay mula sa inukit na patatas."
Napatangu-tango na lang ako.
"Suwabe pa ang translation na Arabic. Walang kahala-halata. Kahit isampal mo pa sa mukha ng motawa," dagdag ni Caloy.
Nang ibalita ko kay Ninang Joy ang tungkol doon ay nahalata kong may kaba pa rin. Naroon pa rin ang takot.
"Sigurado kaya na hindi tayo mapapahamak Eric?"
"Wala raw sablay e."
"Pero siguro kailangan ding mag-ingat tayo kapag lalabas kahit meron tayong pekeng certificate," sabi ni Ninang.
"Kahit daw isampal sa motawa ay walang kahuli-huli."
"Matagal na bang gumagamit ng peke ang kasamahan mo Eric?"
"Matagal na raw. Ang babae niya rito ay aerobic instructress sa King Khaled."
"May asawa rin ang babae?"
"Meron daw."
"Hindi kaya nabubuking?"
"Paano naman mabubukin e ang layo ng Saudi sa Pinas."
"Bakit kaya may mga lalaking hindi magkasya sa isang babae lang?"
"Maraming dahilan siyempre."
"Kaya nga natatakot ako e," humawak sa braso ko si Ninang. (Itutuloy)