PINUNTAHAN ko ang mga lugar na paboritong puntahan ni Trish at nagbakasakaling makita siya roon. Wala. Sinubukan kong puntahan ang mall kung saan una kaming nagkakilala. Sa bag section ako nagpunta. Alam kong mahilig siya sa bag. Baka sakaling makita siya roon. Wala.
Umuwi akong bigo at laglag ang balikat. Naisip ko, para akong naghahanap ng karayom sa bunton ng dayami. At malay ko ba kung may asawa na siya. Baka ang hindi ko pagtawag sa kanya noon ang nagtulak para tumanggap siya ng ibang manliligaw. Inabandona ko siya at maaaring isipin na naghanap na rin ako ng bagong nobya. Hindi niya alam, may gusto akong takasan. Marumi ako kinakailangan munang maglinis nang husto bago humarap sa kanya. Hindi ako bagay sa kanya dahil sa pakikipagrelasyon ko kay Ate Tet. Nakalublob ako noon sa putikan at masyadong naging mabaho kaya kailangan ang dibdibang paglilinis.
Hindi naman ako na-bigo sapagkat sa pama-magitan ng pagtitiyaga ay nakamit ang pangarap. Sobra pa nga sapagkat naging maamo ang kapalaran.
Isang araw, naisipan kong puntahan ang dating tirahan namin noon sa Sampaloc iyon ay ang bahay naming inupahan ni Kuya Felipe kasama si Ate Tet. Wala lang akong magawa kaya ko naisi-pang magpunta roon.
Kung doon pa nakatira si Ate Tet, hindi na niya siguro ako makikilala. At isa pay nakasakay naman ako sa kotse.
Walang pagbabago sa lugar na iyon. Naroon pa rin ang tindahan na may pay phone na madalas kong gamitin para tawagan si Trish. Bumaba ako sa kotse at bumili ng sigarilyo. Mula sa tindahan ay matatanaw ang dati naming tirahan. May nakita akong tao roon at mga bata. Ibig sabihin, iba na ang nakatira roon.
Hindi ko akalain na matatandaan ako ng babaing tindera.
"Di ba ikaw yung nakatira riyan sa loob ?"
Tumango ako.
"Di ba namatay yung tiyo mong nagsa-Saudi noon?"
"Pinsan ko po "
"O e bakit ka narito?"
"Bumibisita lang po."
"Matagal kang nawala ano?"
"Opo."
"E di hindi mo alam na namatay na rin ang asawa ng pinsan mo? Ano nga bang pangalan niyon?"
"Ate Tet "
"Oo. Namatay na siya. Naglason."
Gimbal ako.
(Itutuloy)