NASILAW ako sa ilaw nang papalapit na taxi. Nabuhayan ako ng loob. Eksakto ang pagtigil sa harapan ko. Binuksan ko ang pinto. Hindi na ako nag-atubili pa o inisip kung ang taxi driver ay holdaper. Ang nasa isip ko ay makalayo sa lugar na iyon at baka masundan pa ako nina Frank. Aakalain marahil ni Frank na kaya ako umalis ay baka isumbong sa mga pulis ang ginagawang pagsa-shabu. Palagay ko, nagkakagulo sila sa bigla kong paglabas ng bahay na iyon.
"Saan tayo Sir?" tanong ng taxi driver na may 50 years old marahil pero tinawag akong sir. Sa tingin ko ay mabuting tao ang driver.
"Sa Earnshaw po tayo Manong. Sa may malapit sa National University."
"Dito na tayo dumaan sa Recto tapos Legarda?"
Napaanga ako. Ibig sabihin malapit lang ang kinaroroonan ko?"
"Anong lugar ba ito Manong?" tanong ko para makasiguro.
"Morayta."
Takang-taka ako. Kaninay napakalayo ng tinakbo ko. Parang walang katapusan. Iyon palay hindi ako umaalis sa kinaroroonan. Ano kayang nangyari sa akin.
"Nakainom ka ba ng alak?"
"Kaunti po."
"Shabu?"
"Hindi po Manong."
"Kasi kaninang lapitan kita lakad ka nang lakad na parang hindi mo alam ang pupuntahan. Nang kumaway ka saka lamang ako nag-decide na lumapit. Naisip ko baka naholdap ka o napagtripan ng addict kaya natuliro na hindi malaman kung saan pupunta."
"Hindi po Manong. Nakainom lang ng dalawang boteng beer."
"Ah. Hindi ka siguro sanay uminom."
"Opo."
Hindi na nagtanong pa ang driver. Inihatid na ako nito sa bahay.
Ang problema ko ay kung paano makapapasok sa bahay. (Itutuloy)