At saka lamang nagliwanag sa akin ang lahat. Maaaring paalala iyon ni Kuya Felipe sa akin. Huwag akong magdodroga. Iwasan ang barkada. Walang mararating ang pakikipagbarkada. Hindi makatatapos sa pag-aaral. Walang mararating. Walang-wala! Kailangang makatapos daw ako ng Engineering at ipapasok ako sa kanilang kompanya. Malaki ang suweldo. Puwedeng dalhin ang pamilya roon. Pagbutihin ang pag-aaral at para hindi matulad sa aking ama na winaldas ang buhay. Sapat iyon para mawalang tuluyan ang epekto ng beer sa aking katawan.
"Jim! Jim!"
Nagulantang ako sa tawag at ang kasunod ay ang pagkatok sa pinto. Si Frank! Nakahanda na siguro ang paraphernalia. Magsa-shabu na kami. Hindi ako magpapahalata na ayaw ko. Makikisama lang ako.Tatakas ako kapag nalingat sila.
"Jim buksan mo to!" sabi ni Frank.
Binuksan ko.
"Tagal mo Jim. Ihing-ihi na ako. Nakahanda nang bushab. Intay ka lang diyan ha?"
Pumasok si Frank sa CR. Sinamantala ko iyon para tumakas. Mabilis akong nagtungo sa main entrance. Kahit na madilim ay nagawa kong maalis ang kandado ng pinto. Maingat, marahan at nabuksan ko ang pinto. Eksaktong naalis ko ang kandado ay palabas naman sa CR si Frank.
(Itutuloy)