Ang kasalanan ko kay kuya Felipe (Ika-7 labas)

TRESE anyos ako nang ampunin ni Kuya Felipe. Noon ay may ilang linggo lamang na namamatay si Tatay. Nasaksak sa isang inuman. Wala na akong ina. Namatay daw sa sakit sabi ng mga kamag-anak ko. Bata pa raw ako noon.

Ang tatay ko at si Kuya Felipe ay magpinsan. Bihirang umuwi sa aming probinsiya si Kuya Fe-lipe. Ang tanging pagkakaalam ko sa kanya ay nagtatrabaho sa Maynila at malaki raw ang kinikita. Natatandaan ko na kapag dumarating ang Pasko sa aming lugar si Kuya Felipe ay may mga pasalubong. Namimigay ng pera sa mga batang katulad ko. Kaya masayang-masaya kami ka-pag dumarating si Kuya Felipe. May mga Paskong hindi siya umuuwi kaya malungkot kami. Walang magbibigay ng pera at regalo.

Matapos mamatay si Tatay ay sa isang kamag-anak ako nakatira. Problema sapagkat marami ring anak ang kumupkop sa akin. Hirap ang buhay sapagkat ang pagsasaka lamang ang ikinabubuhay.

Biglang-bigla ay umuwi ng summer na iyon si Kuya Felipe. Ilang linggo lamang nga ang nakararaan nang mapatay si Tatay. Marami na namang dalang pasalubong si Kuya Felipe. Namudmod na naman ng pera.

Hanggang sa ibalita sa kanya ng kumupkop sa akin ang pagkakapatay kay Tatay. Napabuntung-hininga si Kuya Felipe.

"Hindi pa kasi nagbago ang pinsan nating ‘yan. Noon pa nahuhulaan ko nang masama ang kahihinatnan ng pagbibisyo niya," sabi ni Kuya Felipe at tumingin sa akin.

"Masama na ang bisyo ng pinsan nating iyon. Nagsa-shabu na."

"Paano bang nangyari?"

"Nagkainitan daw habang nag-iinuman. Ayon sinaksak."

"Nahuli na ang sumaksak?"

"Hindi."

Iiling-iling si Kuya Felipe. Tumingin muli sa akin.

"Ang kawawa tuloy ay si Jimpoy. Ayan dito ko muna pinatutuloy. Kawawa naman. Wala rin namang may gustong kumupkop. Mahirap kasing buhay ngayon."

Napatingin uli sa akin si Kuya Felipe. Pagkuwa’y sinenyasan akong lumapit sa kanya. Lumapit ako.

"Ilang taon ka na ba Jimpoy?"

"Thirteen po."

"Nag-aaral ka ba?"

"Oo, nag-aaral yan. Tapos na ng second year," sagot ng kumupkop sa akin.

"Gusto mong sumama sa akin sa Maynila?" tanong sa akin ni Kuya Felipe.

Maliksi akong tumango.

(Itutuloy)

Show comments