Laro sa Putikan (Ika-58 labas)

Kasaysayan ni Jean,isang nurse sa Riyadh,Saudi Arabia

(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)


"IBALITA mo sa akin kapag may nalaman kang ginagawang hindi maganda si Jeff ha. Malay ko ba kung me magkagusto diyan at pumatol. Hindi naman bakla ‘yan."

"Kung anu-ano ang nasa isip mo Ate," sabi kong may himig inis. Lagi kasing nakabintang sa asawa.

"Hindi mo maiaalis sa akin dahil sa iyo na rin nanggaling na maraming kumakaliwa diyan."

"Paminsan-minsan maging positive ka naman," sabi kong may diin.

Hindi nagsalita si Ate. Narinig ko lang ang buntung-hininga sa kabilang linya.

"Basta bantayan mo," sabi pagkaraan. "Siyanga pala, ‘yung suweldo niya bantayan mo rin. Baka kung saan lang gastusin. Ikaw na kaya ang magpadala sa akin para sigurado."

"Ate masyado mo nang tinatapakan si Kuya Jeff."

"Mahina kasing ulo niya kaya ko ginagawa ito."

"Paminsan-minsan hayaan mo siyang magdesisyon ng kanya."

Doon natapos ang pag-uusap namin.

Masyadong dominante si Ate. At habang tumatagal ay tumitindi na. Mahigpit na parang hari. Pati pera ay gustong ipagkait sa asawa. Kung maaari ay huwag nang mag-iwan si Kuya Jeff at lahat ay ipadala na sa kanya sa Pinas.

Unang suweldo ni Kuya Jeff ay tinawagan ako. Humingi ng payo kung paano ipadadala ang pera sa kanyang mag-iina.

"Maganda ba sa banko o sa door-to-door?" tanong na para bang nahihiya pa na ako’y istorbohin tungkol lamang doon. Gabi at kararating ko lang buhat sa duty.

"Door-to-door muna," sagot ko. "Next month ka na magpadala sa banko."

"Ipadadala ko lahat ‘tong suweldo ko."

"Magtira ka naman sa sarili mo, Kuya Jeff/"

"E kung magalit ang ate mo?"

"Ipaliwanag mo sa kanya na mahirap dito. Kapag nagkasakit, wala kang mahihingan ng tulong."

"Hindi naman tumatanggap ng paliwanag ang ate mo."

"Huwag mong ipadala lahat, Kuya Jeff."

"Sige."

"Anong ginagawa mo ngayon?" tanong ko.

"Wala. "Yung mga kasama ko e nagsipunta sa Batha. Ganito pala kapag araw ng suweldo rito sa Saudi, bili rito bili roon ang mga Pinoy."

"Gastador ano?"

"Saan ba’yung housing n’yo, Jean?"

"Dito sa may Olaya."

"Puwede ba pumunta d’yan?"

"Puwede kaya lang may oras."

"Punta ako diyan sa Biyernes,"

"Sige."

Saka nagsisi ako kung bakit pinayagan siyang pumunta sa housing namin.

(Itutuloy)

Show comments