Laro sa Putikan (Ika-51 labas)

Kasaysayan ni Jean,isang nurse sa Riyadh,Saudi Arabia

(Ang ilang pangalan ng tao,lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago ng awtor)


 


KALAHATING oras takbuhin ng limousine (taxi) ang King Khaled International Airport (KKIA). Ang totoo’y ikalawang pagkakataon iyon na pupunta ako sa KKIA para sumundo sa darating galing sa Pilipinas. Ang una ay nang dumating ang bagong recruit na nurse. Ipinagsama ako ni Remy (hindi pa nagkakaroon ng lamat ang aming pagkakaibigan noon) sapagkat wala siyang makasama. Kakilala kasi niya ang darating. Dati raw kasama niya sa Jose Reyes Memorial Hospital. Sandali lang daw kami sa airport. Kawawa naman daw at baka kung mapaano.

Inabot kami ng ilang oras sa KKIA. Halos alas-diyes na ng gabi nakalabas ang susunduin. Nagkasabay kasi sa pagdating ang mga eroplano.

Eksaktong 8:30 ay nasa KKIA na ako. Ako lang mag-isa. Ayaw kong ipagsabi na darating ang aking bayaw. Ang nakakaalam lang ay ang head nurse pero hindi rin naman niya alam na ang susunduin ko ay ang aking bayaw.

Maraming tao sa arrival area ng KKIA. Karamihan ay Pinoy at may mangilan-ngilang Indian at Pakistani. Ang ilan ay nakasalampak na sa marmol na sahig. Malinis ang KKIA. Pinakamalaking airport sa mundo at pinaka-malinis.

Tiningnan ko muna sa mga TV screen ang mga parating na eroplano. Maraming parating na eroplano. Ang Saudia Flight SV 868 ay wala pa. DELAYED ng isang oras ayon sa anunsiyo. Napahimutok ako. Sinasabi ko na nga ba’t walang perpektong airlines sa mundo kung pagdating sa destinasyon ang pag-uusapan. Maski ang Saudia na sinasabing on time ang pagdating ay naaatrasado rin.

Ibig sabihin ay mga 9:30 pa ang dating ni Kuya Jeff. Wala naman akong magawa kundi ang maghintay. Naupo ako sa mga marmol na upuan. Mabilis lang naman ang isang oras at kalahati.

Mula sa kinauupuan ko ay tanaw ang mga pasaherong parating. Hindi makalalampas sapagkat masasala ng tingin.

Eksaktong 9:30 ay tumingin muli ako sa TV screen. SV 868. ARRIVED. Natuwa ako. Bumalik ako sa upuan.

Makalipas ang kalahating oras ay natanaw ko na si Kuya Jeff. Naka-pulang t-shirt at pantalong maong. Nakasakbat ang bag.

(Itutuloy)

Show comments