HINDI ko namalayan na naka-isang taon na ako sa government hospital na iyon sa Riyadh. Nakadalawang bakasyon na rin ako sa Pilipinas. Totoong madaling lumipas ang oras sa Saudi Arabia kapag maraming ginagawa o subsob sa trabaho. At matagal lumipas kung walang ginagawa. Iyon ang dahilan kaya nasasabi ng marami na nakaka-homsik sa Saudi Arabia. Kadalasan ang nahohomsik ay ang mga walang ginagawa o nagbibilang ng butiki sa kisame.
Sa kaso ko, wala akong nadaramang kahomsikan. Iyon ang isang kagandahan kung hindi pamilyadong tao ang mag-aabroad. Dahil wala pa akong pamilya kaya wala akong inaalala. Solong-solo ko. Walang nakikialam.
Madalas akong sulatan at tawagan sa telepono ni Ate Cora. Nangungumusta.
"Kulang ang pang-tuition ng pamangkin mo. Aburido na naman ako," daing ni Ate. Kapag ganoong dumadaing ay ako ang nagkukusa. Noong nakaraang buwan ay kapapadala ko lamang para sa dalawa kong pamangkin.
"Sige huwag ka nang maaburido. Magpapadala ako."
"Ay salamat. Kulang na kulang kasi ang ipinadadala ni Jeff."
Gusto kong sabihin na wala kasi siyang pigil sa paggastos. Sa pagkakaalam ko ay malaki na rin ang suweldo ni Kuya Jeff at nagkaroon pa ito ng sideline sa barko. Pero wala pa ring tigil sa kadadaing si Ate.
"Ang hirap pa ng kalagayan ko, nag-iisa. Puwede mo ba akog ipasok diyan sa ospital na pinagtatrabahuhan mo?"
Napahagikgik ako. Para bang ang pagpunta at pagtatrabaho sa Saudi ay ganoon lang kadali.
"Huwag kang magbiro Ate. Mahirap dito sa Saudi. At saka anong trabaho naman ang kaya mo?"
"Janitress, puwede ako."
Napahagikgik uli ako.
"Mahirap maging janitress sa ospital. Saka agency ang humahawak. Karampot ang suweldo."
"Tagahugas ng pinggan sa canteen nyo puwede ako," sabing namimilit.
"Walang Pinay na taga-hugas ng pinggan. Kadalasang lalaki ang dishwasher. Ganoon din sa mga restaurant doon sa Batha."
Natahimik si Ate.
"Tagahugas ng bayag ng Arabo, meron?"
Humagalpak ako ng tawa.
"Puro ka biro Ate. Ang intindihin mo na lang e yang dalawang anak mo at si Kuya Jeff. Huwag ka nang mangarap mag-Saudi."
"Ang liit-liit kasi ng suweldo ng hayop na si Jeff. Walang pangarap na tumaas pa ang suweldo."
Marami pang sinabi si Ate sa asawa. Hindi ko alam kung anong klaseng utak meron si Ate na hindi magkasya sa kung ano ang nasa kanya at gusto pang maghangad ng iba.
(Itutuloy)