Jamias (Ika-96 labas)

(Tunay na kasaysayan ni Police Supt. Elmer Mejorada Jamias, WPD Station 5 Command)

(PAUNAWA:
Humihingi kami ng paumanhin sa hindi sinasadyang pag-kakaulit kahapon ng ika-89 na serye na nailathala noong January 29 issue. Ang matutunghayan ngayon ay karugtong nang lumabas noong February 04, Miyerkules –Editor)

NAGING matagumpay ang proyekto ni Mayor Lito Atienza sa Plaza Miranda, Carriedo at Rizal Avenue. At hindi iyon magiging tagumpay kung wala ang pagsisikap ni Jamias at mga tauhan nito. Pinagsikapang linisin nina Jamias sa direktiba ni Atienza ang mga "masasakit sa matang" tanawin sa Quiapo area.

Bisperas ng piyesta ng Quiapo nang malipat si Jamias sa Station 3. Para bang pinagtiyap ng pagkakataon na kaarawan ng mahal na Nazareno na isa siya sa mga matapat na deboto. Tuwing piyesta ay hindi siya nakalilimot sa mahal na Nazareno.

Kapag ganoong piyesta ay mahigpit ang ginagawang pagbabantay nina Jamias upang hindi mahaluan ng kaguluhan ang pagdaraos ng piyesta na dinadagsa ng mga deboto kung January 9. At malaki ang pasasalamat ni Jamias sapagkat sa inilagi niya sa Station 3 bilang commander walang nangyaring aksidente, pagkamatay o kaguluhan habang idinaraos ang piyesta ng Quiapo. Dininig ng Diyos ang kanyang panalangin na maging ligtas ang pagdiriwang ng Quiapo fiesta.

Makaraan ang pagbabagong ginawa niya sa nasasakupang lugar, nalipat na naman siya ng ibang tanggapan.

At hindi rin niya malilimot ay nang siya ang maging Director ng Traffic Bureau ng Western Police District. Sa tanggapang ito lubusan niyang ipinakita ang husay para mapagaan ang traffic sa mga pangunahing lansangan sa Maynila. Ang ikinalulungkot lamang niya, ang kanyang mga nasimulan ay hindi na ipinagpapatuloy ng mga sumunod sa kanya. At ang bunga: Masikip na daloy ng trapiko. Buhul-buhol na mga sasakyan na nagbibigay nang hindi magandang tanawin sa mga lansangan sa Maynila.

(Itutuloy)

Show comments