NANG hapong iyon ng January 24, dakong 5:30 ay muling nabulabog ang mga residente ng Baseco Compound hindi sa tindi ng sunog na sumapit sa kanila noong January 17 kundi sa kaguluhan. Binaril at napatay ang isang social worker na nagngangalang Maria Eladia Gilbuena, 47.
Maraming iba pang social worker sa Baseco sapagkat namamahagi sila ng mga pagkain, gatas at gamot sa mga nasunugan. May isang evacuation center na itinayo sa Baseco at doon pansamantalang nakatuloy ang may 5,000 pamilya na naging biktima ng sunog.
Kasama ni Gilbuena sa pagdi-distribute ng gatas para sa mga bata si Bgy. Baseco chairwoman Teresita Lumactod, Kahit na 5:30 na ng hapon ay hindi pa sila tumitigil sa pag-aasikaso sa mga nasunugan. Si Lumactod na matagal nang namumuno sa Bgy. Baseco ay kilala sa pagiging matulungin pero may matapang at matigas na puso sa mga kalaban na nais maghasik ng kaguluhan sa kanyang lugar.
Ayon sa nakalap na impormasyon ni Col. Jamias, abala ang dalawa sa pamamahagi ng mga relief goods nang dalawang lalaki ang palihim na nakahalo sa maraming tao roon.
Nakalapit ang lalaki, mga 23 anyos kay Miray (palayaw ni Gilbuena) at binaril ito sa batok.
"Itinulak pa umano ng suspect ang katabing social worker ni Miray para ma-baril nang malapitan nang walang sablay ang biktima," sabi ni Jamias na inilahad naman sa kanya ng mga nakasaksi. Halos ganoon din ang sinabi ni Lumactod na lingid sa iba ay sadyang pakay ng suspect na si Cuares.
Ang lalaking kasama ni Cuares ay nagsilbing lookout umano.
Mabilis na tumakas ang gunman subalit hinabol ng mga tauhan ni Jamias. Nang tangkain umanong lumaban ay binaril ito sa hita.
"Ikalawang buhay ko," sabi umano ni Lumactod kay Jamias. Siya raw ang tanging pakay ng gunman.
Nag-iisip nang malalim si Jamias, nagkatotoo ang kanyang nakita sa guniguni. May magtatangka kay Lumactod subalit ang bala ay hindi sa kanya naglagos kundi sa kawawang si Gilbuena.
(Itutuloy)