"HUWAG mo akong pababayaan Colonel," sabing nagsusumamo ni Liza na para bang ama na ang turing kay Jamias. Nakakita ng kakampi.
"Relax ka lang. Akong bahala," sabi niya at tinungo ang itinurong kalye ni Liza. Ipinasok sa kalye ang jeep.
"Saan ang bahay nyo?" tanong niya.
"Yon pong may puting gate na maraming Christmas lights."
Tinungo ni Jamias ang tinurong gate. Itinigil sa tapat. Nasulyapan ni Jamias ang ilang mga bata at ilang kalalakihang nakatayo sa di-kalayuan. Sa dako pa roon ng kalsada ay may mga lalaking nag-iinuman.
"Halika na," yaya ni Jamias kay Liza.
Bantulot pa si Liza.
"Akong bahala."
Bumaba si Liza. Nauna si Jamias sa paglakad. Diniinan ang doorbell sa gate. Maya-maya, isang babaing may 50 anyos marahil ang lumabas.
"Magandang Pasko po," sabi ni Jamias.
"Liza!" sabi ng babae.
"Ma!" sagot ni Liza.
Dali-daling lumapit ang ina kina Jamias at Liza. Binuksan ang gate. Pagkabukas ay agad niyakap ng ina si Liza. Para bang alam na ang nangyari kay Liza. Umiyak si Liza. Pumasok sila sa loob. Nakita ni Jamias ang dalawang lalaki sa loob na hula niyay mga kapatid ni Liza.
Ikinuwento ni Jamias ang buong pangyayari. Pati ang problema ni Liza.
"Sorry, Ma."
Umiyak ang ina. Pero kasunod ang pagpapatawad.
Sumulyap si Jamias sa relo niya: 11:45.
Nang inaakalang ayos na ang mag-ina. Nagpaalam na si Jamias. Tiyak na naghihintay na si Goody.
"Colonel Jamias, salamat sa pagtulong mo sa aking anak," sabi ng ina.
"Wala pong anuman. Tungkulin ko yon. Subaybayan nyo lang siyang mabuti," iyon lang at umalis na si Jamias.
(Itutuloy)