"MAG-USAP tayo. Pakawalan mo ang mga iyan at pag-usapan natin ang problema mo," sabi muli ni Jamias sa lalaki na sa tantiya niya ay may 30 taong gulang. Payat. Halatang problemado sa buhay.
"Hindi!"
Walang kasalanan ang mga yan. Pakawalan mo sila. Walang mangya- yari sa iyo. Pangako. Akong bahala sayo."
Pero matigas ang lalaki kahit na ano pa ang sinabi ni Jamias. Bingi na yata dahil sa dinadalang problema. Isang kitchen knife ang hawak nito. Nakatutok sa tagiliran ng isang babae.
Binilang ni Jamias kung ilan ang nasa loob. Labing-siyam lahat. Pawang mga babae na nakauniporme. Mga serbidora sa nasabing restaurant.
Lumilipas ang oras subalit walang nangyayari sa pakikipagnegosasyon. Mabigat ang problema. Kapag hindi nakagawa ng paraan, lalabas na mahinang klase siya. Masisira siya sa mga nagtitiwala sa kanyang kakayahan.
Hanggang sa makita niya na tila nauuhaw at nagugutom ang hostage-taker na nalaman niyang Fred ang pangalan. Maaaring hindi pa nga ito kumakain dahil nang ihostage ang mga serbidora ay pasado alas-onse ng umaga.
"May dadalhin akong pagkain at tubig diyan. Alam kong nagugutom ka na Fred," sigaw ni Jamias at mabilis na umalis. Ilang sandali ay bumalik. May dalang kanin, ulam at tubig at tray.
"Etong pagkain, Fred. Kumain ka muna," sigaw niya at ibinaba ang tray, may limang metro ang layo sa hostage taker.
Hindi kumilos. Naghintay si Jamias. Hindi yata magtatagumpay ang plano niya.
(Itutuloy)