"DAHIL sa inyong mag-iina kaya ako nagsisikap. Ang bunga ng pagsisikap na ito ay para sa inyo," sabi ni Elmer kay Goody para ipaunawa ang madalas niyang hindi pag-uwi ng bahay.
"Nauunawaan ko na po Colonel," malambing na sagot ni Goody.
"Hindi ka na magtatampo?"
"Hindi na."
"Hindi na ako darating sa bahay na walang laman ang kabinet dahil nag-alsa balutan kayo?"
"Hindi na po, Colonel."
Tapos ang problema. Nakahinga nang maluwag si Elmer.
Mula noon ay lalo pang naging masikap si Elmer. Nagkaroon pa ng maraming proyekto sa nasasakupan niyang lugar. Nagkaroon siya ng mga paliga ng basketball sa lugar na nasasakop ng Station 3. Ang pakikipag-ugnayan sa barangay para makamit ang katahimikan sa lugar ay kanyang sinimulan. Tagumpay siya sapagkat sa panahong hinawakan niya ang Station 3 ay bumaba ang kriminalidad doon. Nawala ang mga pusakal na drug pushers, mandurukot sa Quiapo at Central Market, Recto at marami pang lugar.
Noong July 6, 1999 ay nalipat siya sa Station 11. Sa nilipatang station ay mas marami siyang naging karanasan na lalo pang nagpakulay sa kanyang career bilang isang pulis Maynila.
(Itutuloy)