Jamias (Ika-36 na labas)

(Tunay na kasaysayan ni Police Supt. Elmer Mejorada Jamias, WPD Station 2 Command)

LAGANAP ang drug pushing sa area na sakop ng Station 3 na pinamumunuan ni Jamias. Akala niya, makaraang mawala ang public enemy number one ng Maynila na si Macmod, matatahimik na ang nasasakupan niyang lugar pero hindi pala. Si Macmod, bukod sa nakalinya sa robbery-holdup ay sangkot din sa drug pushing. Ito ang itinuturong source ng shabu na ibinabagsak sa Quiapo area. Nang mamatay nga si Macmod, lalo pang sumulpot na parang mga kabute ang mga drug pusher.

"Sir, may bago nang grupo na namiminsala sa area natin, ayaw talagang patahimikin," sabi ng isang pulis ni Jamias.

"Sila ang susunod nating wawasakin. May order na si Gen. Virtus Gil na wasakin ang sindikato ng droga," sagot ni Jamias. Si Gen. Virtus Gil ang WPD chief noon.

"Tiyak na mas malaki ang kalaban natin, Colonel," sabi naman ng isa pang pulis.

"Pero kakayanin natin. Ibang istilo ang ibibigay natin."

"Katulad ng style ni Mayor Lim?"

"Hindi. Kakaiba. Sa halip na pulang pintura, handy cam at baril ang ipamumukha natin sa kanila."

Umpisa ng kampanya sa droga. Sinurveillance nina Jamias at mga matitinik niyang pulis sa Station 3 ang mga areang positibong bagsakan ng shabu. Kini-lala nila ang mga "tulak". Sinigurong mabuti bago isagawa ang hakbang.

Nagbigay muna siya ng warning sa mga inaakalang "tulak". Nagpakilala siya habang nagsasalita at hawak ang handy cam sa kaliwang kamay at ang kalibre .45 sa kanan: "Ako si Jamias, binabalaan ko ang mga "tulak" sa lugar na ito. Naka-record na ang mga mukha n’yo sa camerang ito. Hindi ako nananakot pero mag-isip-isip na kayo mula ngayon. Laganap ang droga at hindi ako mangingimi na ipatupad ang batas. Tandaan n’yo narito na sa camerang ito ang ebidensiya."

(Itutuloy)

Show comments