Jamias (Ika-33 labas)

(Tunay na kasaysayan ni Police Supt. Elmer Mejorada Jamias, WPD Station 2 Command)

HABANG umaatras hawak ang babaing hostage ay walang tigil sa pagbuga ng tingga ang baril ni Macmod. Himalang hindi tinamaan si Jamias. Nakapag-cover siya sa poste ng Meralco. Paatras pa nang paatras ang dalawa. Sa ganoong pagkakataon, kahit na sharpshooter si Jamias maaaring magkamali rin siya at ang hostage na babae ang tamaan. Mas pinili ni Jamias na sundan na lamang ang umaatras na kriminal. Napagawi sa Arellano St. si Macmod.

Wala pa ring tigil sa pamamaril si Macmod hanggang sa mapansin ni Jamias na nalaglag ang reserbang magazine nito. Nakita niyang mabilis na pinulot ng babaing hostage ang magazine. Sa pagkakataong iyon nagkaroon ng hinala si Jamias na ang panghohostage ay isang palabas lamang. Kasamahan ni Macmod ang babae.

Walang sinayang na panahon si Jamias sa pagkakataong iyon. Nagpaputok siya ng warning shots. Iyon ay para matakot ang babae at kumawala kay Macmod. Tagumpay ang ginawa ni Jamias sapagkat kumawala ang babae kay Macmod at naghanap nang matataguan. Iyon ang naging dahilan para malantad ang katawan ni Macmod kay Jamias.

Ganoon man lumaban pa rin si Macmod. Nakipagduwelo pa rin kay Jamias. Ano ang ilalaban ni Macmod sa sharpshooter na si Jamias? Sunud-sunod na putok mula sa .45 Colt Commander ni Jamias ang namayani. Sapol sa itaas na bahagi ng katawan si Macmod.

Pero may agimat nga yata si Macmod sapagkat kahit may mga tama na, patuloy pa rin sa pagbaril at nakalayo pa nang may ilang metro. Nakapanganlong sa hood ng isang nakaparadang kotse sa may #1216 Arellano St. Patuloy pang lumalaban si Macmod kaya walang nagawa si Jamias kundi ipagtanggol ang sarili sa kamay ng mamamatay-tao.

(Itutuloy)

Show comments