'Kailangan ang pulis (2)

(Tunay na kasaysayan ni Police Supt. Elmer Mejorada Jamias, WPD Station 2 Commander.)

MATINDI ang tama ng kaibigan niyang si Nestor at hindi na ito umabot sa ospital. Maging ang batang babae na tinamaan ng ligaw na bala ay hindi rin nakaligtas. Dalawang buhay ang nalagas dahil sa labanan ng dalawang magkalabang gang.

Ang nasaksihang kamatayan sa murang gulang na 13 ang nagbukas sa isipan ni Elmer. Bakit napakagulo sa kanilang lugar? Bakit kailangang may mamatay dahil sa pagkakagulo? Ang kamatayan ng kaibigang si Nestor ay nagbigay ng inspirasyon kay Elmer para pangaraping maging pulis.

Mula noon kapag nagkakaron ng riot sa kanilang lugar ay isa ang kanyang naiisip, bakit hindi siya mag-pulis.

Lalo pang naging maalab ang kanyang pagnanais na maging pulis balang araw kapag natatanaw niya ang mga pulis na nasa Western Police District (WPD) sa United Nations Ave. Ang WPD Headquarters ay halos katapat lamang ng Araullo High School.

Kapag oras ng recess ay pupunta siya sa second floor ng Araullo at mula roon ay tatanawin niya ang mga pulis at humahanga sa suot nitong uniporme. Noon ay mga kaki pa ang uniporme ng mga pulis. Kabilang sa mga sikat na mga pulis ng mga panahong iyon si Alfredo Lim, Robert at James Barbers at iba pa. Nakikita sila ni Elmer at matitikas sa suot na uniporme.

Tuwing umaga ay ganoon din ang kanyang ginagawa. Bago sila mag-flag ceremony ay tatanawin muna niya ang mga pulis sa WPD headquarters.

"Hoy anong ginagawa mo riyan?" tanong ni Ding ang kaklase niya at kaibigan.

"Tinitingnan ko ang mga pulis,"

"Bakit?"

"Gusto ko kasing maging pulis balang araw."

Napangiti lamang si Ding. Para bang hindi naniniwala sa kanya.

(Itutuloy)

Show comments