NAGPASYA na rin ako na hindi na muling makikipag-usap kay Roy at kahit na takutin pa niya ako hindi na ako masisindak. Ang lagi kasi niyang panakot ay ibubulgar ang relasyon namin at ang katibayan ay ang aming anak na si Trina. Tama nga si Itay na kung hindi ko ipagtatapat kay Toshi ang lahat ay habambuhay akong guguluhin ni Roy.
Mula nang mangyari ang komprontasyon nina Itay at Roy ay hindi na siya nagpakita. Pero malaki ang aking hinala na naghihintay lamang ng tamang panahon at muling sasalakay. Gayunman ay pinaghandaan ko siya. Lalabanan ko siya para hindi na makapasok sa bahay.
"Gusto mo dito na muna kami ni Tony para may kasama kayo?" sabi ni Itay minsan.
"Si Tony na lang Itay. Para mayroon ding naghahatid kay Trina sa school nito sa umaga," nasa nursery na noon si Trina.
"Sige. May suspetsa ako na babalik dito ang walanghiyang iyon at manggugulo uli."
"Nakahanda na ako sa kanya Itay. Magkakamatayan na kami kapag nagpumilit siya," sabi ko.
Halata sa mukha ang pagkagulat ni Itay. Hindi inaasahan ang sinabi ko.
Hindi natuloy si Toshi sa pagbalik sa Pilipinas. Maraming inaasikaso sa kanyang negosyo. Okey lang. Baka abutin daw ng one year bago makauwi at maisasama na kami sa muling pagbalik sa Japan. Naayos na raw niya ang mga papeles kaya magkakasama na kami.
Isang umaga ay dumating si Itay at may dalang balita tungkol kay Roy.
"Nakakulong na pala ang walanghiya!"
"Anong kaso?"
"Dahil daw sa shabu.."
Nakahinga ako nang maluwag. Sa isip ko wala nang manggugulo sa amin ni Toshi. Kung nagtulak ng shabu tiyak na mabubulok siya sa kulungan. Gumaan ang loob ko.
Pero pansamantala pala lamang ang kasiyahan kong iyon. Nakalabas din ang walanghiya pagkaraan ng isang buwan at ang masaklap pinasok na kami isang gabi sa bahay.
(Itutuloy)