NAPAKA-WALANGHIYA nang hayop na yon," sabi ni Itay nang maipasok ko sa loob ng bahay, "Kung bakit kasi hinahayaan mo pang pumunta rito. Me asawa ka na. Kakahiya kay Toshi."
"Hindi ko mapigilan Itay. Basta na lang pumapasok."
"Idedemanda kong walanghiyang iyon. Gusto pa akong patayin."
"Huwag na Itay. Hahaba pa ang gulo."
"O ipapatay ko na lang para tapos na ang problema. Isang bala lang yan."
"Itay tama na. Naguguluhan na ako."
"Ikaw ang may kasalanan nito. Kung nakinig ka sa akin, hindi dapat nangyari ito."
"Huwag nyo na akong sisihin."
"Mas mabuti kung lumipat kayo ng ibang bahay para hindi na makasunod ang hayop na iyon."
Nag-isip ako. Puwede iyon. Pero baka hindi pumayag si Toshi dahil nagustuhan na niya ang lugar namin. Tahimik daw at maayos ang lugar. Bukod pa sa marami na kaming nagawang pagbabago roon at napaganda na nang ayos ang bahay.
"Baka hindi pumayag si Toshi."
"Ipaliwanag mo."
"Anong dahilan ang sasabihin ko si Roy?"
Napakamot sa ulo si Itay.
"Hindi pa ba niya alam na si Roy ay dati mong ka-live-in?
Umiling ako.
"Kung sabihin mo na kaya sa kanya. Para hindi ka na tinatakot nang walanghiyang si Roy. Kasi kung habampanahon mong ipaglilihim yan, patuloy kang iba-blackmail ng walanghiyang iyon."
"Natatakot ako Itay. Hindi ko yata kayang sabihin sa kanya."
"Sa palagay ko naman maunawain si Toshi."
Gulung-gulo ang isipan ko.
"Paano kung iwan niya ako dahil sa paglilihim ko sa mga nangyari?"
"Huwag mong isipin yon. Doon mo nga malalaman kung tunay ang pag-ibig sayo."
Nakumbinsi ako ni Itay. Nagpasya ako na pagdating muli ni Toshi pagkaraan ng anim na buwan ay ipagtatapat ko na ang lahat.
(Itutuloy)