NAKASAL kami ni Toshi at inalis niya ako sa Madame Rose. Ganoon kabilis ang pangyayari. Hindi ako makapaniwala sa biglang pagbabago ng aking buhay. Mula sa pagiging dancer, singer ay naging maybahay ako ng isang Hapones. At nakakita na ako ng palatandaan na maganda ang hinaharap ko kay Toshi. Hindi ako nagkamali sa desisyong magpakasal sa kanya. Hindi ko makikita ang buhay na iyon kung kay Roy lamang ako habambuhay.
Ibig nang sumama ni Toshi sa pag-uwi ko sa Pilipinas subalit sabi koy ano na lang ang mauuna para maihanda ang bahay na tutuluyan namin. Ipinaliwanag ko na kailangan ay magandang bahay ang aming tutuluyan.
"Sansei shimasu ka?" tanong ko. (Sang-ayon ka ba?)
"Hai," sagot. (Oo. Walang problema).
Sinabi sa akin na isang maayos na bahay ang aking kunin. Yung may garage para kapag bumili ng kotse ay walang problema. Naisip ko sa isang condominium na kumuha ng unit. Pero tumanggi siya. Hindi raw maganda sa condominium. Kung bakit ayaw niya, hindi na sinabi.
Ang balak ko, sa isang maayos-ayos na subdibisyon kumuha ng bahay.
"Suki desu ka?" tanong ko. (Gusto mo ba?)
"Hai," sagot na nakatawa.
Walang problema sa kanya. Ako na raw ang bahala.
"Tsuite ikimasu," (Susunod daw siya sa akin).
Bago ako umuwi, ipinagtapat ko kay Itay na may asawa na akong Hapones. Sinabi kong ang Hapones na iyon ang nagbigay ng perang pambili ng dyipni at siya rin ang gumastos sa pagpapagamot kay Trina nang magkasakit ito.
Sinabi ko ang aking problema kay Roy. Pag nalaman nito na nag-asawa ako ng Hapones ay maaaring magwala. Sabi ni Itay, huwag daw akong mamroblema.
"Ako ang bahala. Ngayon niya makikita ang bagsik ko, hayop siya!"
Pero sa aking pagtataka, hindi man lamang nagalit si Roy nang malaman ang pagpapakasal ko kay Toshi. Sa tingin ko, natuwa pa siya. Okey lamang sa kanya ang lahat.
(Itutuloy)