HINDI ko inaasahan ang gagawing pagreregalo sa akin ni Toshi. Sino ba naman ako para regaluhan ng isang tulad niyang propesyunal. Isang hamak na singer lamang ako. Gayunman, nagpasalamat ako. Isang malaking karangalan na makatanggap ng regalo sa tulad niya.
"Thank you," sabi kong nagpapakipot pa.
"Suki desu ka?" (Nagustuhan mo ba?)
"Hai."
Pagkaraang makainom ng tatlong biru ay umalis na. Hindi ko alam kung ano ang aking nararamdaman sa pagkakataong iyon.
Sumunod na regalo ay isang mamahaling pabango. Hiyang-hiya na ako. Tanggap uli.
Ang pagreregalong iyon ay hindi naman nailihim sa iba ko pang kasamahan na may lihim ding pagnanasa kay Toshi.
"Bruha ka, huwag mong palampasin. Matagal na naming pinupuntirya yan."
Sabi naman ng isa pa, "Samantalain mo na habang hibang na hibang. Meron kasing Hapones na natatauhan. Huwag mong tatanggihan ang ibibigay."
Ako ang nanliliit sa mga sinabi nila. Palibhasay hindi pa ako sanay. Sa pinanggalingan ko namang club ay hindi ako nakaranas maregaluhan.
"Kapag nagpahayag ng pag-ibig, huwag mo nang palampasin. Dakma kaagad."
Nagtawa lamang ako. Alam ko sa mga nangyayari ay lihim silang nakadarama ng inggit sa akin. Imagine, mas nauna pa sila sa akin sa Madame Rose subalit ako pa ang napusuan ni Toshi. Nabighani sa aking boses.
Sunud-sunod pa ang pagbibigay ng regalo. Hindi maa-wat. Ganoon pala ang Hapones. Masyadong galante.
Ang kasunod pala niyon ay ang pagtatapat ng pag-ibig sa akin. Isang pagtatapat na maski kay Roy ay hindi ko narinig.
(Itutuloy)<