GABI-GABI ay nasa Madame Rose si Toshi Yashikawa, sa tantiya ko ay mga lampas ng singkuwenta ang edad. Nasa isang sulok, sumisimsim ng biru (beer). Habang kumakanta ako ay nakatingin sa akin at walang kakurap-kurap. Sa palagay ko nagugustuhan ang aking inaawit. Mga dalawa o tatlong boteng biru ang iinumin at saka aalis na. Sabi ng mga kasamahan ko sa club, galante si Toshi. Laging nag-iiwan ng lapad sa mesa kahit sandali lang tumambay sa Madame Rose. Para bang nagpapalipas lang siya ng oras doon. Nagpapaalis ng pagod sa maghapong pagtatrabaho. Inom ng isang propesyunal ang ginagawa. Dahil sa pagiging galante kaya nag-uunahan ang mga crew ng club sa pag-istima sa kanya.
Hindi kataasan si Toshi. Katamtaman ang katawan. Hindi pangit pero hindi naman guwapo. Nasa kategorya ng katamtaman. Nakasalamin na lalong nagbigay ng dignidad. Simple siyang manamit. Iyon nga lang may edad na. Pero kung titingnan, hindi siya singkuwenta anyos. Maalaga marahil sa katawan kung kaya hindi tumatanda.
Nalaman ko na ilang kasamahan ko ang nagnais na mapalapit kay Toshi. Kahit siguro yayain na silang lumabas ay sasama para madyakpat ang galanteng Hapones. Naalala ko ang sinabi ni Au, huwag na huwag akong papatol sa mga kabataang Hapones o iyong mga kasing-edad ko. Gagamitin lamang ang katawan ko. Pagsasawaan lamang at kapag wala nang katas, Sayonara Japan na!
Matuto raw ako kung gustong umasenso sa buhay.
Subalit kahit na anong gawin ng mga hitad kong kasamahan, hindi mabingwit si Toshi.
"Bakla yata ang sakang na iyan. Ipinakikita ko na ang bituka ko ayaw pang kumibo," sabi ng isa.
"Ako rin, isinasampay ko na ang boobs ko sa balikat niya pero walang epekto."
"Hindi natin alam kung anong gusto."
Iyon pala e ako ang gusto, ha-ha-ha! Ang pagtingin-tingin pala sa akin ng lagay na iyon ay may kahulugan.
Isang gabi ay ang mama san ng Madame Rose ang lumapit sa akin, matapos akong umawit.
Gusto raw akong makilala ni Toshi.
"Kashimarimashita," sagot ko. Hindi ko alam kung bakit iba ang nararamdaman ko.
(Itutuloy)