Susie san; Japayuki (Ika-31 labas)

(Ang mga pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may akda sa pakiusap na rin ng nagtapat.)

HINDI ko na binigyang kahulugan ang mga sinabi ni Roy kung kaya ko rin daw makakuha ng matanang Hapones na gaya ng ginawa ni Au. Sa pakiramdam ko, wala sa loob niya ang mga sinabi. Bukambibig lang.

Lumipas ang mga buwan. Dumating ang panganganak ko. Sa isang lying-in clinic ako nanganak. Mas mura. Gustuhin ko mang manganak sa isang ospital na kumpleto sa gamit, hindi puwede. Wala na kaming pera. Ang mga alahas kong naipundar ay naipagbili ko na rin. Ang inutang ko kay Au pinaiikot namin sa itinitindang isaw at adidas.

Isang malusog na babaing sanggol ang naging anak ko. Normal delivery.

Tuloy ang buhay namin kahit may nadagdag ng bibig na pakakainin. Nang medyo malakas-lakas na, ako na ang nagpatuloy sa pagtitinda ng isaw, adidas at iba pa sa harap ng aming inuupahang kuwarto pero napapansin ko na ang palalang-palala na ang pagkabatugan ni Roy. Mas gusto pang makipagkuwentuhan sa mga tambay sa aming lugar. Painum-inom. Parang walang iniisip na bukas.

Ako lamang ang nagsusumikap para sa aming anak. Gusto kong magkaroon ng magandang buhay sa hinaharap. Hindi ko nakita kay Roy ang mangarap.

Ilang buwan matapos akong makapanganak ay sinabi sa akin ni Roy, "Mag-apply ka na sa Japan. Seksi ka na naman e."

"Kanino ko iiwan si Trina?" Si Trina ang anak namin.

"Narito naman ako."

"Paano ang pagtitinda?"

"Akong bahala."

"Kung ikaw kaya ang mag-abroad," sabi ko.

"Ba’t ako. Kita mo nga’t third year lang ang inabot ko."

"Ang tamad mo kasing mag-aral nu’n."

"Ba’t ba lagi mo na lang akong hinihiya?"

Ako na ang kusang tumigil. Kung hindi ko gagawin iyon ay malamang na mauwi na naman sa pagsisigawan ang lahat. Ayaw kong mangyari iyon. Masama ring marinig ng bata.

Inumpisahan ko nang mag-apply. Palibhasa’y may karanasan na kaya marunong na ako sa pagpapasikut-sikot sa pag-aaplay.

(Itutuloy)

Show comments