Susie san:Japayuki (Ika-25 labas)

(Ang mga pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may akda sa pakiusap na rin ng nagtapat.)

NAGISING ako dahil sa pagtatakbuhan ng mga bata na para bang inuusyuso kung sino ako. Tatakbo sa silid at saka babalik sa kinahihigaan namin ni Roy. Patuloy naman ang paghihilik ni Roy at balewala sa kanya ang ingay. Sanay na siya sa ganoong sitwasyon.

Itinuloy ko ang pagtulog subalit nanunuot sa akin ang ingay at bagsak ng mga paa sa sahig. Hindi ako mapakali. Ginising ko si Roy. Bahag-yang kumilos pero hindi nagising. Nakaramdam ako ng pag-ihi.

"Roy, nadidiyinggel ako sa’n ba ang comfort room?"

Ayaw kumilos.

"Roy, nadidynggel ako, ano ba?"

Saka lamang nagmulat.

"Sa’n ang comfort room n’yo?"

"Du’n sa may ref. Istorbo naman!"

Bumangon ako. Ang mga batang tumatakbo ay nakatingin sa akin. Nasa may pinto sila ng silid. Tinungo ko ang comfort room. Itinulak. Huli na para malaman kong may tao.

"Ay, bastos! May tao rito!" Sigaw mula sa loob. Nagulat ako. Isang babae ang nakaupo sa trono at umeebak marahil.

"Sorry, di ko alam," sabi ko.

Bumalik ako sa tabi ni Roy na humihilik pa rin. Napansin kong naghahagikgikan ang mga bata habang nakatingin sa akin. Ilang minuto pa ay bumukas ang comfort room. Lumabas ang babae, mga 40 anyos marahil, nakasabog pa ang buhok at ang suot na daster ay may punit.

"Uli-uli kumatok ka muna. Hindi ‘yung papasok ka kaagad!" sabing mataray.

"Sorry, nakaawang kasi kaya akala ko’y walang tao. Ihing-ihi na kasi ako."

"Sori-sori. Pwe!"

Noon nagising si Roy. Siguro’y narinig ang boses ng babae.

"Ano ‘yon Ate?"

"Buwisit! ‘Yang kasama mong babae, pagsabihan mo!"

(Itutuloy)

Show comments