Maria Soledad (Ika-115 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

ANIM na buwan ang lumipas at ikinasal sina Dang at boyfriend nitong computer engineer. Inggit ako pero hindi ko ipinahalata. Masayang-masaya si Dang. Wala na nga sigurong sasaya pa sa isang babaing dinala sa altar ng lalaking gustung-gusto o kasundung-kasundo niya. Ganoon ang gusto ko pero wala naman akong mapisil sa mga nanliligaw sa akin.

Nang hinahakot na nina Dang ang kanyang mga gamit, patungo sa bagong bahay na ipinagawa ng kanyang napangasawa, inakbayan ako at masinsinang kinausap.

"Ayaw ko sanang lumipat muna sa bahay namin ni Dan pero wala akong magawa. Kailangang mamuhay na kami ng sarili. Inaalala ko ikaw, Ate."

"Sanay naman akong mag-isa di ba?"

Alalang-alala si Dang na para bang isang matandang hukluban ang kanyang iiwanan.

"Ang kasama mo na lamang dito ay maid. Sana, mag-asawa ka na Ate. Lampas na sa kalendaryo ang edad mo. Baka mahirapan ka nang manganak."

Tumawa lamang ako.

Maski si Ate Josie ay paulit-ulit ang kantiyaw sa akin. Mag-asawa na raw ako para naman makakita siya ng apo sa akin. Anak na talaga ang turing niya sa akin.

"Kung meron lang akong anak na lalaki o kaya pamangkin, paliligawan kita. Napakasarap mo sigurong maging manugang. Maganda na ay matalino pa."

Lumipas pa ang isang taon. Nagkaroon na ng anak si Dang. Marami na ang ipinagbago ganoon din kina Ate Neng. Tapos na ang mga pinag-aral kong pamangkin. Ako, wala pa ring asawa.

Nag-migrate sa Canada sina Dang. Naiwan na naman ako. Kinuha ko ang dalawang anak na babae ni Ate Neng at naging kasama ko sa bahay. Minsan ay inanyayahan ako nina Dang na mamalagi sa Canada ng ilang buwan. Akala ko, doon ko makikita ang magiging asawa ko, hindi pala.

(Itutuloy)

Show comments